Citizen Voices

Gapas ng Paghihirap

Photo by Northern Dispatch Weekly
Gapas ng Paghihirap
Wilgin Soriano

Ang sabi sa isang kanta, ang magtanim ay di biro. Pero biro pa nga bang matatawag kung ang mga nagtatanim mismo ay wala nang makain?

Noong Abril 21, nakadalo ako sa sa isang porum ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) kung saan inilunsad ang Tiempo Muerto, isang kampanya laban sa kagutuman at kahirapan. Ang Tiempo Muerto, o tinatawag na “dead season”, ang panahon kung saan tumitigil pansamantala ang produksyon ng asukal. Tagutom ang panahong ito dahil walang tiyak na sahod ang mga manggagawang bukid sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Sa porum, nakiisa ang iba pang organisasyon ng mga magsasaka at manggagawang bukid mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na dumaranas ng matinding kagutuman. Ang iba, gaya ng mga magsasaka sa Kidapawan, ay dumaranas ng matinding krisis dahil sa tagtuyot na dulot ng El Niño. Pinalalala ng mga kagananapan gaya Tiempo Muerto at El Niño ang gutom at hirap ng mga magsasaka at kanilang pamilya.

Ayon kay Jerome Succor Aba, isa sa mga nakaligtas sa pamamaril ng pulis sa mga magsasaka sa Kidapawan, nangangamba ang mga magsasaka na pagkatapos masira ng El Niño ang kanilang pananim, ang La Niña naman ang susunod. Hindi pa natutugunan ang isang problema ay mayroon na namang panibagong darating. Ang masaklap, ayon sa katutubong Lumad na si Arlene Amar, hindi nakakarating sa mga apektadong magbubukid ang milyong-milyong pisong calamity fund na inalaan mula sa pambansang badyet.

Dagdag pahirap

Seryosong problema ang kagutuman pero hindi rito natatapos ang mga suliranin ng mga magbubukid. Marami pang mga pabigat sa magsasaka ang inilahad nila sa porum.

Halimbawa sa Negros, abonado ang mga magsasaka dahil sila ang nagbabayad ng renta sa mga makina tuwing panahon ng kabyawan. Kuwento ito ni Hernane Barros, pangkalahatang kalihim ng National Federation of Sugar Workers sa Negros. Gutom na nga, nababawasan pa ang sana’y kikitain nila mula sa anihan.

Samantala, ibinahagi ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ang panibago nilang isyung kinakaharap. Noong Marso 21, inararo ang taniman ng monggo ng mga kababaihan sa nasabing lugar. Agad itong ipinaalam ng mga magsasaka sa mga kinauukulan. Ayon kay Florida Sibayan, tagapangulo ng Alyansa ng mga Mangagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), nagkasundo silang pag-uusapan ang insidenteng ito kinabukasan. Ngunit iba ang nangyari dahil muling inararo ang kanilang mga pananim kinabukasan.

Agad tinanggi ng mga Cojuangco na may kinalaman sila sa paninira ng mga pananim sa Hacienda Luisita. Magkakaroon ng pagdinig ng kaso para mapanagot ang totoong may sala.

Pagpapabaya

Ayon kay Ariel Casilao ng Anakpawis Partylist, ipinapakita ng mga suliraning ito ang pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa mga magsasaka. Bukod sa pamamahagi ng calamity fund, maraming paraan para agad mabigyan ng ginhawa ang kagutumang nararanasan ngayon ng mga magbubukid. Halimbawa, may saku-sakong bigas na nakaimbak lang sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) at pwedeng ilaan sa mga nasalanta ng El Niño. Pero nakalaaan na raw ito sa ibang lugar. Ang mas malala pa raw ay ang naiulat na pagsusubasta ng mga nakaimbak na bigas.

Ang tumitinding pagpapabaya ay lalong nagpapalala ng kalagayan ng mga magsasaka sa ating bansa. Ayon kay Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), lalong inilalantad ng tumitinding kagutuman at kahirapan ang matagal nang kalagayan sa kanayunan: kawalan ng lupa, mataas na upa, hindi pantay na hatian ng ani, at napakataas na gastos sa produksyon.

Ito ang buhay na patuloy na kinakaharap ng ating mga magsasaka. Kaya naman sa harap ng tumitindi nilang kalagayan, ayon kay Ka Paeng, mas nagiging makatwiran ang pakikipaglaban ng mga magsasaka para sa lupa, pagkain, at hustisya.

Si Wilgin Soriano ay estudyante ng BA Communication at manunulat para sa Advocate, ang student publication ng Far Eastern University.

Citizen Voices

More in Citizen Voices

MARBAI farmers: Their reality, our realizations

ContributionMay 15, 2017

Why are fishers among the poorest of the poor?: A challenge to candidates

Jam PinpinMarch 22, 2016

#PiliPinas2016 debates: Unsatisfactory

Abril Layad AyrosoMarch 16, 2016

What ‘mercy and compassion’ for the poor means to me

Abril Layad AyrosoJanuary 30, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Name
Email *

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network