News

Air strikes sa Marawi, sinimulan kahit marami pa ang di nakalikas; 1 sibilyan sugatan

Mga taga-Marawi na nagbakwit sa Sagurian, Lanao del Sur. Larawan ni Jerome Succor Aba/Suara Bangsamoro
Air strikes sa Marawi, sinimulan kahit marami pa ang di nakalikas; 1 sibilyan sugatan

Nasa kani-kaniyang mga tahanan pa ang mga residente ng Brgy. Marinaut sa Marawi City nang magsagawa ng air strikes ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaninang 10 a.m. Tinamaan ng splinter sa kanyang likuran ang sibilyan na si Jalil Hassan, 30.

Ayon sa mga ulat ng grupong Suara Bangsamoro at Bangsamoro National Movement for Peace and Development (BMPD), maraming residente pa ng Marawi City ang hindi pa nakakalikas nang simulan ng AFP ang air strikes laban sa tinutugis na Maute Group.

Nagdulot ng takot ang air strikes, na nagtulak sa tinatayang 1,000 na katao mula sa Barangay Mapandi, East Marinaut, Bango, at Matampay na magsilikas.

Jalil Hassan, 30, sibilyan na biktima ng airstrike. Larawan ni Jerome Succor Aba/Suara Bangsamoro

“Maya’t maya ay may naririnig kang pagbagsak ng bomba sa lupa,” ayon kay Jerome Succor Aba, tagapangulo ng Suara Bangsamoro, sa panayam ng Altermidya.

Sa tantiya ng grupo, nasa 90 porsiyento na ng mga residente ng Marawi City ang nakalikas. Pero marami pa umano ang natitira sa kani-kanilang mga tahanan.

Kinumpirma ito ni Drieza Abato Lininding, bise-presidente ng Bangsamoro Movement for Peace and Development.

“Mayroong naiwan na mga matatanda kasi bed-ridden na. Hindi maiwasan na may mga kamag-anak na maiiwan din. So iba’t ibang istorya. Maraming insidente na ganun kasi hindi naman lahat may access sa transportasyon, wala nang public transportation, kanya-kanya na,” aniya sa isang panayam.

Dagdag pa ni Lininding, grabe ang trapik sa haywey—ang dating 45 minuto na biyahe paalis sa Marawi ay naging walo hanggang 12 oras. “So kahit kung may sasakyan sila, kung pabalik-balik, wala na, hindi na kaya,” ayon sa lider-Moro.

Kabilang ang matatanda sa mga sibilyang hindi pa nakakalikas. Larawan ni Jerome Succor Aba/ Suara Bangsamoro

Napalala umano ang sitwasyon ng lockdown na kasalukuyang ipinapatupad sa lungsod, bunsod ng napipintong pagdating ni Pangulong Duterte.

“Napakahirap hindi alam ng tao kung saan sila pupunta. Baka pag-initan sila ng Maute Group, o kaya paghinalaang sympathizer o supporter ng Maute Group. Napakahirap, nakakalungkot, nakakaiyak ‘yung sinapit ng mga tao,” aniya.

Dagdag pa niya, “hanggang ngayon, mayroon pa ring mga nagte-text, ‘i-rescue niyo kami dito, hindi kami makalabas…napaka-helpless.”

Nag-apela ang Suara Bangsamoro at BMPD sa AFP na itigil ang air strikes sa ngalan ng mga sibilyan.

Samantala, may 1,832 pamilya mula sa Sagurian, katabing munisipalidad ng Marawi, ang hindi pa umano nakakatanggap ng food assistance simula noong May 23.

Ayon kay Aba, hindi makapasok ang pagkain mula sa Department of Social Welfare and Development sa Iligan dahil sa pinahigpit na seguridad sa military checkpoints.

Ulat nina Micah Magaro at King Catoy

Mga taga-Marawi na nagbakwit sa Sagurian, Lanao del Sur. Larawan ni Jerome Succor Aba/Suara Bangsamoro

News

More in News

Bakwit sa Mindanao: ‘Itigil na ang air strikes, ihinto ang Martial Law’

Azlie Ann VillahermosaJune 23, 2017

Mga magsasaka ng Ilocos, umalma sa anomalya sa tobacco excise tax

Bastin AdriasJune 22, 2017

Mindanao-wide military ops under Martial Law disrupt peace talks

Altermidya.NetMay 28, 2017

Maranaos to AFP: ‘Don’t burn our city, stop air strikes’

Altermidya.NetMay 27, 2017

CPP: Duterte’s martial law in Mindanao has wider target, purpose

Altermidya.NetMay 25, 2017

Workers urge Duterte on EO to end contractualization

Altermidya.NetApril 27, 2017

Lumad student abducted in Davao del Norte

Altermidya.NetApril 12, 2017

DSWD vows to help Lumad displaced by aerial bombs

Kilab MultimediaApril 6, 2017

Farmers call for ‘free land distribution’ ahead of peace talks

Altermidya.NetMarch 31, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network