Features

Bakit may Kampuhan ng mga Moro at Katutubo sa UP campus?

Salubong ng UP community sa mga Moro at katutubo. Photo ng Kilab
Bakit may Kampuhan ng mga Moro at Katutubo sa UP campus?

KUNG napapadaan kayo sa C.P. Garcia sa Quezon City, maaaring nagtataka kayo sa kulumpon ng mga kubo na nakalinya sa loob nga campus. Tadtad din ang bakod ng UP campus ng mga bandera na may mga mensaheng ‘Itigil ang Pambobomba’, ‘End Martial Law’, ‘Labanan ang Militarisasyon at Pandarambong sa Lupang Ninuno at Teritoryo!’

Ito ang Kampuhan sa Diliman kunsaan nakatigil pansamantala ang halos 2,500 Moro, at mga grupong katutubo na nasa ilalim ng alyansang Sandugo. Kasama ang mga bakwit na Moro ang Kaigorotan ng Cordillera, mga Dumagat at Aeta ng Southern Tagalog, Tumandok ng Visayas, at mga Lumad.

Pakikisalumuha ng mga kabataan sa mga katutubo. Photo ng Kilab

Mananatili ang mga grupo ng pambansang minorya sa kampuhan hanggang Setyembre 21 bago bumalik sa kani-kanilang mga probinsya.

Tila laging piyesta sa kampuhan, na tinawag din nilang ‘Sitio Sandugo’. Mayroong museo, eksibit, at araw-araw na programa, musika, at iba’t ibang aktibidad. Pero sa likod ng makulay na kampuhan ang makukulay din na kuwento ng pakikibaka at tagumpay ng mga katutubo.

‘Lakbayan’

Tinawag na Lakbayan ng Pambansang Minorya 2017 ang 21-araw na protesta ng mga Moro at katutubo. Kasama ng mga naglakbay ang mga pambansang minorya nang ilang araw bago makarating sa National Capital Region (NCR) noong Agosto 31. Nagkaroon ng salubungan ang iba’t ibang pambansang minorya sa Maynila bago tumungo sa  Kampuhan sa Diliman.

Hindi madalas ibalita ang totoong sitwasyon ng mga Moro at katutubo sa Mindanao at sa ibang bahagi ng Pilipinas, laluna noong idineklara ng administrasyong Duterte ang Martial Law sa Mindanao. Sa labas naman ng Mindanao, marahas din ang epekto ng all-out war sa mga katutubo, ayon sa Sandugo.

Ayon kay Pya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Sandugo, nagpunta ng Maynila ang mga katutubo para ipahayag ang totoong nangyayari sa kanilang lugar.

“Ang pambansang minorya ang nasa sentro ng atake ng Martial Law at all-out war  policy ng Duterte administration,” sabi ni Malayao.

Mga Lumad sa Kampuhan. Photo ng Kilab

Pangalawang taon nang nagsanib-pwersa ang Moro, Lumad, at iba’t ibang katutubo sa isang Lakbayan. Sa mga nagdaang taon, hiwa-hiwalay ang mga isinagawang Lakbayan ng mga Lumad, Moro, at iba’t ibang grupo ng pambansang minorya.

Noong 2016, binuo ng mga pambansang minorya ang Sandugo Alliance. Naging makasaysayan ang pagtitipun-tipong ito ng Bangsamoro at iba’t ibang katutubong grupo sa buong bansa.

Batas military at all-out war

Sa pagdeklara ng batas militar, daan-daang libo na ang lumikas dahil sa araw-araw na pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi at iba pang komunidad sa Mindanao. Ibinahagi ng mga Morong bakwit kung paano winasak ng mga bomba ang kanilang mga bahay, pamilya at kabuhayan, pati ang kanilang kinabukasan, laluna ng mga kabataang Moro.

Dagdag ng Sandugo, nagiging target ng all-out war ng AFP ang pambansang minorya sa ibang bahagi ng bansa dahil pinaparatangan silang miyembro o taga-suporta ng New People’s Army (NPA).

Pagpapalayas sa militar sa baryo, hiling ng mga estudyanteng Lumad.

Sa katunayan, habang nasa Kampuhan sa Diliman ang mga batang Lumad noong Setyembre 5, nabalitaan nila ang pagpatay sa kapwa-estudyante nilang si Obillo Bay-ao sa Talaingod, Davao del Norte.

Inakusahang miyembro ng NPA ang 19-taong-gulang na estudyante ng Salugpongan, isa sa mga paaralang Lumad. Tadtad ng bala ang katawan ni Obillo matapos pagbabarilin ng dalawang miyembro ng paramilitar na sina Joven at Ben Salangani, ayon sa Sandugo. Si Obillo  ang ika-47 na Lumad na pinatay sa rehiyon ng Davao.

Bago pa ilunsad ang Lakbayan, nauna nang magtayo ng kampuhan sa Diliman ang mga Lumad mula sa Save Our Schools Network.

Estudyanteng Lumad. Photo ni Micah Magaro

Nagtayo sila ng ‘bakwit school’ sa UP matapos ang banta ni Pang. Duterte ng pambobomba sa mga paaralang Lumad noong Hulyo. Dito nila ipinagpapatuloy ang paglulunsad ng mga klase para sa kabataang Lumad.

Kampuhan sa Diliman: Isang ‘cultural center’

Ngayong taon, pang-apat na Lakbayan na kunsaan tinanggap ng UP Diliman ang mga pambansang minorya. Gaya ng mga nagdaang taon, maraming aktibidad  sa loob ng Kampuhan. Araw-araw, maaaring makipagkuwentuhan sa iba’t ibang grupo ng pambansang minorya na pansamantalang naninirahan sa mga kubo.

‘Mambabatok’: hand-tap tattoo artist na si Jasmine mula sa Cordillera. Photo ng Sandugo

Matuturing na isang cultural center ang Kampuhan. May cultural exchanges na nakalaan kada araw para magbahagi ang mga grupo gaya ng mga Lumad, Dumagat, Mangyan at Palawan, at mga katutubo mula Cagayan Valley. May iba’t ibang workshop din na ipinapadaloy ng iba’t-ibang organisasyon na tumutulong sa Task Force Lakbayan at Sandugo.

Maaari ring bisitahin ang munting museo na binuo ng Cordillera People’s Alliance na nagpapakita ng kasaysayan ng pakikibaka at iba’t-ibang kasuotan ng Kaigorotan. Nandoon din si Jasmine Adoal, isang katutubo mula sa tribong Butbut-Saclit ng Lubugan Kalinga. Si Jasmine ay isang mambabatok (o hand-tapped tattoo artist). Maaaring magpa-tattoo sa kanya makatapos ang pakikisalamuha sa mga katutubo mula sa Cordillera.

Ayon sa Sandugo, nais ng pambansang minorya ang malaman ng buong bansa ang mga kahilingan at mga pinaglalaban ng mga Moro at katutubong Pilipino. Mahalaga para sa kanila ang pakiisa ng publiko sa kanilang panawagan. Isang paraan para makilala, malaman, at makiisa sa mga pakikibaka ng pambansang minorya, ayon sa Sandugo, ay ang pagbisita sa Kampuhan sa Diliman.

Salubong ng UST community sa mga katutubo. Photo ng Kilab

Magtatagal ang Kampuhan hanggang Setyembre 21, ang anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law. Sa araw na ito, lalahok ang mga Moro at katutubo sa protesta ng iba’t ibang sektor para tutulan ang Martial Law sa Mindanao at ipinawagan ang pagbabasura nito.

Para sa taong ito, binuksan din ang Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ang kanilang campus para tanggapin ang mga grupo ng pambansang minorya at maging pangalawang kampuhan. Simula Setyembre 11, maaari nang makasalamuha ang mga Lumad at katutubo sa kampuhan sa UST.

Ulat ni Bastin Adrias

Click to add a comment

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply

More in Features

#ConfirmKaPaeng: Huling tulak para sa kalihim na maka-magsasaka

Bastin AdriasAugust 26, 2017

PAKI-EXPLAIN: Pagsibak ng CA kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo

Altermidya.NetAugust 16, 2017

Mine workers: Of broken promises to end ENDO

ContributionAugust 11, 2017

Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’

Bastin AdriasAugust 8, 2017

‘Beloved sons’ of Sta Cruz: Thousands flock plaza to honor NPA fighters

Altermidya.NetAugust 7, 2017

#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte

Altermidya.NetJuly 24, 2017

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

Altermidya.NetJuly 24, 2017

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Altermidya.NetJune 25, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network