Features

#ConfirmKaPaeng: Huling tulak para sa kalihim na maka-magsasaka

DAR Secretary Rafael Mariano kasama ang mga magsasaka mula sa rehiyon ng CARAGA. Larawan mula sa DAR PIO.
#ConfirmKaPaeng: Huling tulak para sa kalihim na maka-magsasaka
Bastin Adrias

Maraming nagtatanong kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR), kung ano ang kanyang nararamdaman sa nalalapit na pagharap niya sa Commission on Appointments (CA). Sa darating na Agosto 30, boboto ang CA kung ikukumpira nga ba o hindi si Ka Paeng. Nauna nang sinibak ng makapangyarihang CA ang kapwa-progresibong miyembro ng gabinete na si Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development.

Sa isang pagtitipon ng kanyang mga tagasuporta noong Agosto 25 sa UP Diliman, sinabi ni Ka Paeng na hindi siya kinakabahan o nag-aalinlangan. Ito ay dahil inaasahan siya ng mga magsasaka. “Ako naman po’y handang-handa na humarap sa mga miyembro ng CA, pati sa mga humahadlang sa ating kompirmasyon,” aniya.

Nagmula sa iba’t ibang sektor at bahagi ng bansa ang mga dumalo sa #ConfirmKaPaeng, isang pagtitipon sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Rural Missionaries of the Philippines, at Pagkakaisa Para sa Tunay na Repormang Agraryo (PATRIA).

Si Ka Paeng ang unang kalihim ng DAR na magsasaka. Matapos ang 18 years na pagkakandado, binuksan ni Ka Paeng ang mga gate ng DAR para sa mga magsasaka at nagbigay ng direktiba na maging bukas dapat ang mga tauhan ng DAR sa mga magsasakang pupunta sa ahensiya. Sa mahigit isang taon sa puwesto, pinangunahan din niya ang mga kautusang maka-magsasaka, para kontrahin ang mga probisyon ng kasalukuyang batas sa repormang agraryo na pabor sa mga panginoong maylupa.

Pinakasignipikante ang kanyang pinakahuling kautusan—ang Administrative Order No. 5, na nagsasabing pwede nang okupahin ng identified na mga benepisyaryo ng repormang agraryo ang kanilang lupain, kahit may pending pa ito na mga aplikasyon para sa land use conversion o tinututulan pa ng panginoong maylupa sa korte ang pagsasailalim ng lupa sa repormang agraryo.

Inaasahan na ng mga tagasuporta ni Ka Paeng na haharangin ang kanyang kumpirmasyon dahil sa impluwensiya ng mga panginoong maylupa at militar sa CA. Katunayan, sinampahan ng kaso ng Lapanday Foods Corp. si Ka Paeng dahil sa pagsuporta nito sa mga benepisyaryo na inokupa ang lupaing inagawa sa kanila ng kumpanya. Idinadawit din umano ng mga heneral si Ka Paeng sa pagsunog ng New People’s Army sa planta ng Lapanday. Kalakhan rin ng mga miyembro mismo ng CA ang may-ari ng malalawak na lupain.

Pero kumpirmahin man ng CA o hindi si Ka Paeng, may maipagmamalaki nang mga reporma ang ahensiya. Ayon sa DAR, nasa 16,000 ektarya ng lupain ang naipamahagi sa nakaraang taon—at kaiba sa naunang mga administrasyon, tinitiyak nito ang aktwal na okupasyon ng mga magsasaka sa lupa, higit pa sa pamamahagi lamang ng Certificate of Land Ownership Awards (Basahin: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR).

“Ipinakita ni Ka Paeng kanyang at undersecretaries kung paano magdala ng tunay na pagbabago,” sabi ni Makabayan Coalition President Satur Ocampo. Dagdag pa niya, kung hindi makukumpirma si Ka Paeng, “mawawalan ang Duterte administration at ang mamamayang Pilipino, pero hindi tayo titigil sa pakikibaka.”

Si Ka Paeng at kanyang mga tagasuporta. Larawan ni Bastin Adrias.

Maraming mga lider-magsasaka ang dumalo sa pagtitipon. Iisa ang mensahe na nais nilang ipaabot kay Ka Paeng: na sana, siya ay tuluyan nang matalaga bilang kalihim ng DAR dahil siya lamang umano ang nagdala ng tunay na pagbabago sa ahensiya mula nang ito ay mabuo.

“Tumitindi ang landgrabing at private armies sa Bulacan, pero malaki ang pag-asa namin na sa confirmation ni Ka Paeng, mabibigyan ng lakas ang aming mga kasamahan,” ayon sa isang magsasaka mula sa Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan. Ayon naman sa isang lider mula sa KMP-Bicol, “mas lalong tumaas ang moral ng magsasakang Bicolano dahil may isang Ka Paeng na tunay na magsasakang naglilingkod sa bayan.”

Pinatotohanan naman ni Florida Simbayan ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita na ngayo’y “malayang nagbubungkal” ang mga magsasaka sa lupaing inaagaw ng TADECO mula nang magpunta doon si Ka Paeng, kahit pa “may mga gawa-gawang kaso at harassment pa rin laban sa mga magsasaka.”

Ayon naman kay Lito Manalili, professor emeritus at dating dekano ng College of Social Work and Community Development, “Napakahalaga na maalala natin kung bakit tayo pumapasok sa gobyerno; na maalala kung bakit si Ka Paeng ang na-nominate para sa DAR. Kailangan pangunahan ng isang magsasaka ang kilusang magsasaka, kaya dapat mula sa kilusang magbubukid ang mamuno sa DAR.”

Nagpahayag din ng suporta si dating Welfare Secretary Taguiwalo. “Malinaw na ang Kaliwa, hindi kurakot. Paikut-ikutin man tayo, at the end of the day, alam natin kung kanino tayo accountable. Sa masang Pilipino. Para kanino tayo naglilingkod? Sa masang Pilipino,” aniya.

Sa darating na Agosto 29, magsasagawa ng vigil ang mga magsasaka at iba pang tagasuporta ni Ka Paeng sa harap ng Senado, hanggang sa hearing para sa kanyang kumpirmasyon kinabukasan. “Inaanyayahan namin ang lahat na may tiwala kay Ka Paeng na suportahan siya sa araw ng kanyang confirmation hearing. Sa Agosto 30, lahat kami ay magsusuot ng pula. Pula ang kulay ng progresibong pagbabago para sa bayan,” ayon kay Father Oliver Castor, tagapangulo ng alyansang PATRIA.

Features

More in Features

Bakit may Kampuhan ng mga Moro at Katutubo sa UP campus?

Altermidya.NetSeptember 12, 2017

PAKI-EXPLAIN: Pagsibak ng CA kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo

Altermidya.NetAugust 16, 2017

Mine workers: Of broken promises to end ENDO

ContributionAugust 11, 2017

Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’

Bastin AdriasAugust 8, 2017

‘Beloved sons’ of Sta Cruz: Thousands flock plaza to honor NPA fighters

Altermidya.NetAugust 7, 2017

#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte

Altermidya.NetJuly 24, 2017

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

Altermidya.NetJuly 24, 2017

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Altermidya.NetJune 25, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network