Features

Mahal na gamot, imported rice & iba pang epekto ng RCEP

Mahal na gamot, imported rice & iba pang epekto ng RCEP

NASA PILIPINAS ngayon ang mga delegado ng mga bansang ASEAN (o Association of Southeast Asian Nations) para pagpasiyahan ang isang importanteng kasunduan.  Ito ang Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.

Kapag naaprubahan, lilikhain ng RCEP ang isang economic bloc na sasaklaw sa halos kalahati ng populasyon ng mundo. Kabilang sa RCEP ang 10 miyembro ng ASEAN at anim pang bansa: China, Australia, Japan, India, New Zealand at South Korea.

Pasikreto ang mga naging negosasyon sa RCEP. Pero may mga “leak” o lumabas na dokumento na nagpapakitang nakababahala ang mga panukala para sa mga pipirmang bansa.

Batay sa pag-aaral ng IBON, isang economic think-tank, narito ang ilan sa masasamang idudulot ng RCEP sa mga miyembrong bansa nito, kabilang ang Pilipinas:

1. Pagmahal ng presyo ng gamot

Importante ang generic drugs sa maraming Pilipino. Sa pagtatantya ng Department of Health, nakadepende ang anim sa sampung Pilipino sa generic drugs na kalahati ang presyo kaysa sa mga branded na gamot.

Pero sa ilalim ng RCEP, nanganganib ang paggawa at pagpapalaganap ng generic drugs. Balak kasi ng RCEP na pahabain ang patente ng mga gamot lampas pa ng 20 taon. Ibig sabihin, nasa monopolyo ng isang drug company ang paggawa ng isang uri ng gamot, at malaya sa kumpetisyon mula sa generic drugs na may mas mababang presyo. Hindi makakagawa ang ibang drug manufacturers ng mas abot-kayang bersyon ng gamot habang hawak pa ng drug company ang karapatan dito.

doh.gov.ph

Kahit lampas at wala nang bisa ang patente ng isang gamot, balak pa rin bigyan ng RCEP ng ekslusibong karapatan ang may-ari sa clinical data nito, kaya’t hindi ito agad-agad magagamit ng ibang drug manufacturers.

Mahigpit ang mga tuntunin ng RCEP sa intellectual property rights, o ang karapatan ng may-ari sa imbensyon, kaalaman, pananaliksik at ibang pang likha. Sa katunayan, puwedeng idemanda ng mga korporasyon ang isang gobyerno kung may mga batas at patakaran ito tungkol sa intellectual property na nakakahadlang sa kanilang kita o tubo.

Kaya’t imbes na masiguro na mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng kakayahang bumili ng gamot, magiging banta pa ang RCEP sa pagpapalaganap ng abot-kayang medisina.

2. Pagbaha ng imported rice

Ayon sa IBON, bigas ang isa sa pinakamalubhang maapektuhan ng RCEP. Ibubukas pa kasi lalo ng RCEP ang bansa sa mas maraming mura at imported na bigas. Magiging kakumpetensiya ng lokal na bigas ang mga ito.

Ngayon pa lang na hindi pa lubos naaalis ang mga restriksyon sa imported na bigas, nalulugi na ang mga Pilipinong magsasaka dahil sa pagbaha ng milyun-milyong metrikong tonelada ng bigas mula sa Vietnam, Thailand at iba pang bansa.

Sa Hulyo 2017 nakatakdang tanggalin ng Pilipinas ang minimum access volume o MAV na naglilimita sa pag-import ng bansa ng bigas. Batay ito sa kasunduang pinasok ng Pilipinas sa World Trade Organization. Ayon sa mga pag-aaral, kapag tinanggal ang MAV at pinayagan ang pag-import ng mas malaking bilang ng murang bigas, babagsak pa lalo ang kita ng mga magsasaka nang halos 30 porsyento. Gayundin, babagsak umano ang produksyon ng palay nang 4 porsyento.

Photo by Bulatlat

Kasama ng Pilipinas sa RCEP ang pinakamalalaking exporter ng bigas sa mundo gaya ng India, Thailand, Vietnam, Myanmar at Cambodia. Nagagawang mura ng mga bansang ito ang presyo ng kanilang bigas dahil, hindi gaya sa Pillipinas, nakakatanggap sila ng malaking suporta at subsidyo mula sa kanilang gobyerno. Sa tantya ng Department of Agriculture, ang gastos sa produksyon ng lokal na palay ay P12 kada kilo, habang ang gastos sa Vietnam ay P6 kada kilo lamang.

Isang agrikulturang bansa ang Pilipinas, pero nakalista ito bilang isa sa pinakamalaking importer ng bigas sa mundo. Ang nakakalungkot na sitwasyong ito ay dahil mismo sa mga free trade na kasunduan gaya ng pinapasok ngayon ng Pilipinas sa RCEP.

3. Dagdag kapangyarihan para sa mga korporasyon

Isang kontrobersyal na probisyon na pinagtatalunan ngayon ng mga miyembro ng RCEP ay ang pagbibigay nito ng kapangyarihan para idemanda ang mga gobyerno.

Kung sakaling hindi protektahan ng isang gobyerno ang mga imbestor ayon sa nakasaad sa RCEP, puwede itong makasuhan sa international tribunal at pagbayarin ng kompensasyon para sa “damages”.

Hindi ito bago sa Pilipinas. Marami ng kaso kunsaan nademanda o nagbantang magdemanda ang mga imbestor sa gobyerno ng Pilipinas. Ilan dito ang P79 bilyong singil ng Manila Water noong 2015 at P3.4 bilyong kaso ng Maynilad dahil umano sa “nawalang tubo” ng mga korporasyon dulot ng hindi pagpayag ng gobyerno sa dagdag-singil mula sa konsyumer. Kinasuhan din ng German company na Fraport ang gobyerno noong 2004 at 2008 dahil sa pagkansela nito ng NAIA Terminal 3 project.

Binantaan din ng mining companies ang administrasyong Duterte ng demanda kung hindi nito babawiin ang kinanselang 75 mineral production and sharing agreements. Kinansela ito ni dating Sec. Gina Lopez para maprotektahan ang watershed areas ng bansa, pero ayon sa mining companies, aabot ng P16 bilyon ang gagastusin ng Pilipinas kung itutuloy nila ang demanda laban sa gobyerno.

Habang lumalawak ang kapangyarihan ng imbestor at korporasyon sa ilalim ng RCEP, ayon sa IBON, lalo naman nasisikil ang mga gobyerno para gumawa ng mga hakbanging makabubuti para sa kaunlaran ng bansa.

Kung nais ng gobyerno, halimbawa, na baguhin ang mga batas nito para matugunan ang ilang problema sa ekonomiya, hindi ito agad magagawa laluna kung makakasama ang mga batas na ito sa interes ng mga imbestor.

Kaya’t imbes na mapagpasiyahan ng gobyerno kung ano ang makabubuti sa ekonomiya, puwersado itong sumunod sa mga probisyong mangangalaga sa mga imbestor ayon sa RCEP.

ILAN LAMANG ito sa mga nakababahalang probisyon ng RCEP. Ayon sa mga kritiko nito, hindi magandang balita ang RCEP laluna’t panawagan ng maraming Pilipino sa gobyerno ang pagpapatupad ng mga makabuluhang reporma sa ekonomiya na magpoprotekta sa mga konsyumer at mga industriya. Panawagan nila sa administrasyong Duterte ang hindi pagpirma ng Pilipinas sa mapaminsalang RCEP.

Features

More in Features

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Altermidya.NetJune 25, 2017

Anong mali sa pakikialam ng tropang US sa Marawi City? Marami.

Micah MagaroJune 22, 2017

Nothing to eat but wani mangoes: Muslims in the barrios under martial law

Ilang-Ilang QuijanoJune 20, 2017

Kilalanin ang Martial Law Generals

Altermidya.NetJune 16, 2017

QUIZ: Ano ang alam mo sa Martial Law sa Mindanao?

Altermidya.NetJune 14, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 1)

Altermidya.NetJune 6, 2017

‘Libreng edukasyon,’ o nakakamatay pa rin na tuition?

Micah MagaroApril 4, 2017

#OccupyBulacan and the anarchy in housing & urban development

Arnold PadillaMarch 16, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network