News

Higit 3,000 Moro, Lumad at pambansang minorya patungong Maynila para sa #Lakbayan2017

Mga lider ng Sandugo, inanunsyo ang Lakbayan 2017. Larawan ni Bastin Adrias/Altermidya
Higit 3,000 Moro, Lumad at pambansang minorya patungong Maynila para sa #Lakbayan2017
Bastin Adrias

PORMAL na inanunsiyo ang paparating na iba’t-ibang grupo ng pambansang minorya sa Maynila para sa Lakbayan 2017. Mahigit 3,000 Bangsamoro at katutubo ang magtitipun-tipon mula sa iba’t ibang probinsya para ipahayag ang pagtutol nila sa lumalalang atake laban sa mga pambansang minorya sa buong bansa.

Sa isang press conference sa UP Diliman Martes ng umaga, ibinahagi ni Pia Macliing Malayao, tagapagsalita ng Sandugo (Kilusan ng Moro at Katutubong Mamamayan para sa Sariling Pagpapasiya) ang salubungan sa Agosto 31 ng mga delegado ng ‘Lakbayan ng Bangsamoro at Pambansang Minorya’.

“Naglalakbay nang milya-milya ang pambansang minorya para iparating sa buong bansa ang mga panawagan namin,” sabi ni Malayao. “Pinapatay ang mga miyembro namin, kinakamkam ang aming mga rekurso, at pinapawi ang aming lahi kaya kami naglalakbay ngayon.”

Ito ang ikalawang taon ng Pambansang Lakbayan ng mga Pambansang Minorya mula nang itatag ang Sandugo Movement noong 2016. Sa mga nagdaang taon, hiwa-hiwalay ang mga inilunsad na Lakbayan ng mga Lumad, Moro, at iba’t ibang grupo ng pambansang minorya sa Pilipinas.

‘Pinakamalupit sa pambansang minorya’

Ayon kay Jerome Succor Aba, isa sa mga lider-Moro ng Sandugo, kabilang sa mga pangunahing isyung bitbit ng Lakbayan ngayong taon ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao. Kasama sa Lakbayan ang ilang bakwit mula sa Marawi City na tatlong buwan nang nasa ilalim ng operasyong militar.

Aniya, pinakamalupit sa kanila ang pagpapatupad ng batas militar na nagdulot ng paglikas ng daan-daang libong Maranao at Kristiyano at ng malaking pinsala sa kanilang komunidad. Dagdag ni Aba, hindi lamang mga bahay at gusali ang nawasak ng airstrikes at operasyong militar, kundi maging ang kanilang buhay at kinabukasan.

“Para sa amin, mistulang ethnocide at genocide ang pagpapatupad ng Martial Law at ang araw-araw na pambobomba at pag-atake ng militar sa aming komunidad,” salaysay ni Aba. “Walang kasiguruhan kung kailan kami makakabalik sa aming mga bahay.”

Kahit sa labas ng Mindanao kunsaan walang Martial Law, nararanasan ng komunidad ng mga pambansang minorya ang dahas at panunupil, ayon sa Sandugo. Halimbawa sa Northern Luzon, pinasabugan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng walong bomba ang isang komunidad sa Malibcong, Abra noong Marso.

Kinundena rin ng Sandugo ang all-out war ng AFP laban sa mga rebolusyunaryong grupo. Ayon sa kanila, ang pambansang minorya ang isa sa mga pangunahing tinatamaan ng mga atake ng AFP. Marami nang naitalang kaso kunsaan pinaparatangang mga miyembro ng New People’s Army ang mga katutubo. Ayon sa grupo, iligal na inaaresto, sinasampahan ng mga imbentong kaso, o pinapatay ang ilan sa mga lider at taga-suporta nila.

Patuloy din ang pagpapatupad ng Oplan Kapayapaan, ang counterinsurgency program ng administrasyong Duterte. Ayon sa Sandugo, kopya lang ang programang ito sa counterinsurgency plan ng US, kaya’t hindi nakapagtataka ang posibilidad na nakikialam ang US sa krisis sa Marawi at sa pagpapatupad ng all-out war.

Press conference ng Sandugo sa UP Diliman. Larawan ni Bastin Adrias/Altermidya

“Ipinapatupad ni Pangulong Duterte ang gera kontra-terorismo ng US, kahit malinaw naman ang sinasabi niya noong huli na ang gumawa ng ISIS ay ang CIA at US. Pero si Duterte, hinayaan niya na pumasok ang mga sundalong Amerikano at bitbitin ang mga terrorista tulad ng ISIS,” pahayag ni Aba.

Pakikiisa

‘Self-determination’ o pagpapasya sa sarili ang panawagan ng Sandugo sa isinasagawang Lakbayan. “Ito ang karapatang mamuhay at manalampalataya sa Islam ng Bangsamoro, karapatan sa relihiyon at pamumuhay ng iba pang pambansang minorya, karapatan sa lupa at mga rekurso at iba pang saligang karapatan,” paliwanag ng Sandugo.

Kasama sa press conference ng Sandugo ang mga lider mula sa iba’t ibang grupo ng pambansang minorya na nagbahagi rin ng kalagayan ng kanilang mga komunidad. Ilan sa kanila ay si Arnel delos Santos ng BALATIK sa Southern Tagalog na nag-ulat ng mga abusong dinaranas ng mga katutubo mula sa kamay ng militar. Mula sa Panay, isinalaysay naman ni Jobelyn Giganto kung paano tumitindig ang mga Tumandok laban sa mga proyektong mega-dam sa Visayas.

Samantala, pinanawagan ni Joanna Cariño ng Cordillera ang pagtigil sa karahasan at ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Nais naman ni Sony Serrano mula sa Central Luzon na palayasin ang US troops mula sa kanilang mga lupain. Nanawagan naman ang mga lider-Lumad na sina Dulphing Ogan at Gleeza Belandres na suportahan, at hindi pigilan, ang pag-aaral ng mga kabataang Lumad sa mga paaralan sa kanilang komunidad gaya ng ALCADEV.

Sa Bonifacio Shrine sa Manila magaganap ang salubungan ng mga Moro, Lumad at mga grupong pambansang minorya sa Huwebes. Inaasahang lalahok ang iba’t ibang sektor at organisasyon mula sa NCR para suportahan at makiisa sa Lakbayan, ayon sa Sandugo.

More in News

Paving the way for an alternative newscast

Altermidya.NetNovember 15, 2017

Humanitarian missions in Batangas attempt to probe ‘Marawi-style’ military operations

Southern Tagalog ExposureOctober 1, 2017

Itaas ang buying price ng tabako, panawagan ng mga magsasaka ng Ilocos

Altermidya.NetSeptember 8, 2017

Sorsogon rights workers: July 28 ‘encounter’ was a massacre

Altermidya.NetAugust 6, 2017

Students, teachers hail passage of free tuition law

Altermidya.NetAugust 4, 2017

Students enraged at retraction of free tuition policy in SUCs 

Altermidya.NetAugust 3, 2017

Fisher folk leader shot dead in Guihulngan City

Altermidya.NetJuly 26, 2017

Women’s groups call for peace amid rising militarism in PH

Altermidya.NetJuly 17, 2017

Libu-libong magsasaka, naghahanda sa pagkilos sa SONA

Altermidya.NetJuly 13, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network