#BeyondElections2016

Kaban ng bayan, ipinambibili ng boto?

Mga benepisyaryo ng 4Ps sa Negros Occidental. Larawan mula sa marleni2016.wordpress.com
Kaban ng bayan, ipinambibili ng boto?

Matagal na nahuhuli sa mga sarbey si Mar Roxas, ang pambato ng administrasyong Aquino sa pagkapangulo. Gayunpaman, may bentahe si Roxas—at iba pang mga kandidato ng Liberal Party (LP)—na wala ang kanilang mga katunggali: ang kontrol sa napakalaking makinarya at pera na hawak ng gobyerno.

Noong nakaraang taon pa lamang, mayroon nang ebidensya na ginagamit ng LP ang mga rekurso ng gobyerno sa pangangampanya ng mga kandidato. Matatandaang hindi agad nagbitiw si Roxas bilang kalihim ng Dept. of Interior and Local Government (DILG). Matapos ideklarang standard-bearer ng LP, naggamit pa niya ang kanyang poder para sa maagang pangangampanya.

Gayundin si senatorial candidate Risa Hontiveros, na itinalaga ni Pangulong Aquino sa Philhealth noong Hunyo 2015. Pagdating ng Hulyo, nagsimula ang paglabas ng sunud-sunod na mga patalastas ng Philhealth na prominente ang mukha at pangalan ni Hontiveros—isa umanong porma ng maagang pangangampanya. Nagkakahalagang P400,000 ang bawat 30-segundong TV ad. Ang sabi ng Malakanyang, pondo ng Philhealth ang gamit dito; ang sabi naman ng kampo ni Hontiveros, mula ito sa mga pribadong donasyon. Hindi nagtugma ang kanilang mga istorya.

Sa mga larawan ng kumalat sa social media, nahuli din ang mga miyembro ng Akbayan na namimigay ng mga Philhealth ID habang nangangampanya para kay Hontiveros at sa nasabing party-list.

Special purpose’ sa 2016 badyet?

Sa 2016 badyet pa lamang, makikita na kung paano posibleng ginagamit ang kaban ng bayan para sa pangangampanya ng mga kaalyado ni Aquino. Maraming malalaking tipak ng pera na hindi nakadetalye kung saan gagastusin. Kabilang dito ang special purpose fund (SPF) na lumobo sa P430 Bilyon ngayong 2016, mula sa P60-B noong 2015. Halos dumoble ang SPF ng DILG sa P57-B, mula sa P23-B.

Isa pa sa pinaghihinalaang pinagkukuhanan ng pondo ng LP para sa pangangampanya ay ang Bottom Up Budgeting (BUB), kung saan pwedeng kumuha ng pondo para sa mga proyektong pipiliin ng mga Local Government Unit (LGU). Ito ang tinatawag ng mga kritiko na bagong anyo ng pork barrel at Disbursement Acceleration Program.

Kasabay ng umpisa ng lokal na campaign period, inilabas ang Department of Budget ang Management ang P24.7-B para sa BUB. Kinukuwestiyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang mekanismo ng pagbibigay ng pondo para sa BUB: mga piling LGU lamang ang bibigyan nito; pwede ring baguhin ang paglalaanan ng pondo.  “Ito ay panunuhol (sa mga LGU) para ikampanya si Roxas at mga kandidato ng LP,” ani Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Paggamit ng CCT sa kampanya

Dagsa rin ang mga ulat na ginagamit ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para puwersahin ang mga maralita na dumalo sa mga campaign rally o mangampanya para sa mga kandidato ng LP.

Sa North Triangle, Quezon City, tinatakot ng mga 4Ps coordinator ang mga hindi sasama sa rali ng LP na babawasan ng P500 ang nakukuha nila kada buwan, ayon sa Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Diumano’y nangangampanya rin para kina Roxas at Leni Robredo ang 4Ps coordinators sa mga relocation site sa Montalban, Rizal. Pinipilit nila ang mga benepisyaryo na mangampanya rin.

Iniulat pa ng Kadamay na sa Brgy. 178, Camarin, Caloocan City, nag-sarbey ang ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) kung sino ang iboboto ng mga sa mga benepisyaryo ng 4Ps. “Anuman ang layunin ng sarbey, dapat hindi nilulustay ng DSWD ang bilyun-bilyong pisong pondo ng 4Ps sa pamumulitika,” ani Gloria Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Bigas kapalit ng boto?

Samantala, usap-usapan sa North Cotabato na ang bigas na hinihingi ng mga gutom na magsasakang biktima ng El Niño ay tila tinatago ng mga lokal na opisyal ng gobyerno para magamit sa pangangampanya. Dalawang magsasaka ang namatay at mahigit 100 ang nasugatan sa Kidapawan City nang barilin ng pulisya ang barikada ng mga magsasakang humihingi ng bigas at paglabas ng calamity fund.

Ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon, “Noong nagpunta ako sa Kidapawan, sinabi ng tao roon na ayaw ibigay ng LGU ang bigas sa mga magsasaka, dahil hinihintay ang campaign sortie ng LP. Sa Luzon, Visayas, at Mindanao, namimigay ng bigas ang LP. Ito po ay alegasyong dapat sagutin ng pangulo at ni Mar Roxas: Ginagamit niyo po ba ang ayuda sa pagkain ng ating mga magsasaka para sa kampanya?”

Hindi ito malayong isipin. Kamakailan, nangampanya si Korina Sanchez-Roxas para sa kanyang asawa habang namimigay ng P611 Milyong halaga ng cash at gamit-pangsaka sa lokal na gobyerno ng Tagum City, kasama si Dept. of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala. Nandoon din si Sanchez sa pagmimigay ng DA ng pondo kay Pampanga Gov. Lilia Pineda sa isang El Niño Summit.

“Para na rin itong pamimili ng boto. Sinasamantala ng LP ang kahirapan ng mga magsasaka para makuha ang kanilang boto,” sabi ni Flores ng KMP.

Dagdag pa niya, malinaw na may basbas ito ni Aquino. Ngunit pinabulaanan lang ng Malakanyang ang alegasyong ito, gaya ng mga nauna pa hinggil sa umano’y ilegal na paggamit ng LP sa kaban ng bayan.

More in #BeyondElections2016

‘Smartmatic can tamper with election results’ –IT experts

Altermidya.NetMay 12, 2016

Several VCMs fail to read votes for Neri Colmenares, progressive partylists

Altermidya.NetMay 9, 2016

Massive disenfranchisement, cheating feared as VCMs fail

Altermidya.NetMay 9, 2016

Labanang David vs. dalawang Goliath sa Northern Samar

Altermidya.NetMay 7, 2016

Paano naiiba ang mga kandidatong progresibo?

Altermidya.NetMay 7, 2016

Neoliberalismo & Mga Kandidato: Kung bakit pare-pareho ang mga tumatakbo sa pagkapangulo

Altermidya.NetMay 7, 2016

Presidentiables 2016: Sinu-sino ang nagpopondo?

Altermidya.NetMay 6, 2016

Sila-sila: Dinastiyang Politikal sa Pilipinas

Pinoy WeeklyMay 5, 2016

Ang Pakikialam ng US sa Halalang Pinoy

Pinoy WeeklyMay 5, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Name
Email *

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network