‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR
July 21, 2017

“Kalabaw lang ang tumatanda.” Ito ang nakalagay sa coffee mug na pinresenta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kay Agrarian Reform Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano, sa ika-8 Pambansang Kongreso ng KMP sa Legazpi City kamakailan. Sa kanilang assessment sa unang taon ni Pangulong Duterte, matapang ang ginamit na mga salita ng KMP. Dapat daw “singilin” ang pangulo sa tunguhin nitong maka-Kanan: ang pagpatay sa mahigit 60 magsasaka, at pagpapatuloy ng mga polisiyang neoliberal sa ekonomiya na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Ngunit malinaw rin na nananatiling positibo para sa kanila ang pagkakaupo ni Ka Paeng sa DAR. Si Ka Paeng ang isa sa mga tagapagtatag sa KMP, pinakamalaking organisasyon ng mga magsasaka sa bansa. Hindi naman binigo ng kalihim ang inaasahan sa kanya ng mga magsasaka.

“Bago pa po ako, mga kasama, na hirang na bagong secretary ng DAR, alam naman natin na may mga probisyon sa mga umiiral sa mga batas at programa sa repormang agraryo na hindi umaayon, at hindi nagtataguyod sa makauring interes ng mga magbubukid…Kaya po aking binanggit at palaging binabanggit na walang ibang mapapanghahawakan, maasahan, at masasandigan ang uring magsasaka para ipagtanggol, idepensa, at igiit ang karapatan sa lupa kung hindi ang kanilang organisadong lakas, mahigpit na pagkakaisa, at matibay na determinasyong lumaban,” sabi ni Ka Paeng sa kanyang talumpati sa harap ng halos 2,000 magsasaka.

Isang taon pa lamang ng administrasyong Duterte, at wala na sa gabinete ang environmental defender na si Gina Lopez. Para sa ilan, kasabay niyang nawala ang pag-asa na maipapatupad mga progresibong appointee ang mga signipikanteng pagbabago sa mga polisiya ng gobyerno.

Gayunpaman, nananatili sa gabinete ang nominado ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ito ay sa kabila ng panghaharang ng Commission on Appointments, namemeligrong usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP, at batas militar. At habang naririyan sa poder, tila desidido si Ka Paeng na gawin ang lahat para umusad ang kasalukuyang programa sa repormang agraryo, at higit pa rito, na mapalitan ito ng bagong batas at programa na mas naaayon sa kahilingan ng mga magsasaka na tunay na reporma sa lupa.

‘Di sapat ang pamamahagi ng CLOA’

Para kay Ka Paeng, nahaharap ang DAR sa isang mayor na tungkulin na hindi ginawa ng nakaraang mga pamunuan ng ahensiya: ang alamin kung ilan nga ba talaga sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang naroroon sa lupang “ipinamahagi” na ng gobyerno sa kanila. Nang maupo sa poder, natuklasan kasi niyang walang datos o pagsisiyasat ang ahensiya hinggil dito.

Sa datos ng DAR, nasa 4.7 milyong ektarya ng lupa ang naipamahagi sa 2.8 milyong benepisyaryo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Pero ayon kay Ka Paeng, “‘Yan bang lahat na 2.8 milyong (magsasaka) na yan, nandoon pa rin sa lupa na awarded to them since 1972? Hindi kaya sagutin ng DAR ‘yan, na may 100% level of reliability, accuracy, consistency and integrity. So kailangan balikan eh. Laging sinasabi na malaki ang accomplishments, pero ang tanong, nandiyan pa ba sila sa lupa? Kailangan ng imbentaryo talaga para malaman. Kasi nga mamamahagi ka ngayon, nakaharap ka. Pero sa bawat 10 titulo na ipamamahagi mo sa magsasaka, baka naman yung 10 ‘yun ay nawala rin pagtalikod mo.”

Ang ganitong tulak ni Ka Paeng para magsiyasat sa aktwal na kalagayan ng ARBs ay nakabatay sa mahaba niyang karanasan sa kilusang magsasaka. Dito, nakita niya kung paano ginamit ng mga panginoong maylupa at kompanyang agri-business ang mismong CARP para muling mapasakamay ang mga lupaing ipinamahagi na diumano ng gobyerno sa maliliit na magsasaka. Ito pa rin ang kanyang nakikita, kahit nasa poder na siya.

Sa pagsisiyasat na isinagawa ng DAR sa Hacienda Luisita, napag-alaman ng ahensiya na wala sa kamay ng 83 porsiyento ng 5,212 na benepisyaryo ang kanilang lupa. Dahil sa kagipitang pampinansiya at kawalan ng support services, kalakhan ng benepisyaryo ay ipinarenta ang kanilang lupa sa mga aryendador ng pamilya Cojuangco-Aquino at mga prominenteng lokal na pulitiko. Umaabot lamang sa kasing-baba ng P7,000 kada taon ang upa sa kanila ng lupa.

Mahalaga para kay Ka Paeng ang aktwal na pag-puwesto ng mga magsasaka sa lupa, higit pa sa simpleng pamamahagi ng mga Certification of Land Ownership Award (CLOA) at Emancipation Patent (EP), gaya umano ng nakagawian ng dating mga administrador ng DAR. “Mahalaga ‘yon dahil walang saysay na tumanggap ng EP o CLOA ang magsasakang benepisyaryo kung wala rin naman siya sa lupa na naipamahagi sa kanya. Kaya ‘yan ang malaking hamon sa natin, ‘yung ma-install, mai-posisyon, mai-puwesto, at magkaroon ng actual physical possession sa lupa ang ating mga magsasaka,” sabi ng kalihim.

Ngunit hindi ito naging madali. Isang matingkad na halimbawa ang instalasyon ng DAR sa mga benepisyaryo sa plantasyon ng saging na inaangkin ng Lapanday Foods Corp. sa Tagum City. Nagtagumpay lamang ang instalasyon ng mga magsasaka ng MARBAI noong Mayo 18, matapos ang tatlong subok. Noong una, ayaw pang magbigay ng assistance ng Philippine National Police (PNP). Sa huli, magtagumpay lamang na nakapuwesto ang mga magsasaka dahil matapang nilang nilusob ang guwardiyadong barikada na ipinatayo ng Lapanday.

Ayon kay Ka Paeng, pribadong lupain ang nasa 92 porsiyento ng mahigit 600,000 ektarya pa ng lupang hindi naipapamahagi sa ilalim ng CARP. “Kapag private agriculture lands, asahan mo na mayroon diyang may resistance o protest,” aniya. Ito umano ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan ng mga magsasakang organisahin ang kanilang mga sarili. “Hindi ‘yan kayang tapatan ng DAR. May maaring magawa ang DAR pero limitado kasi hindi naman araw-gabi kasama ng mga magsasaka ang DAR, na may kasamang PNP. Hindi eh. Sila talaga (mga magsasaka) ang pangunahing magtatanggol para makapanatili sila doon sa lupa,” ayon sa kalihim.

Tunay na kapangyarihan ng DAR

Gayunpaman, sinisikap ni Ka Paeng na palakasin ang kapangyarihan ng DAR—isang ahensiya na sa matagal na panahon ay umano’y “nagtatali sa sarili niyang mga kamay” para hindi maipatupad ang repormang agraryo. Sa Administrative Order No. 3, series of 2017, binigyan ng awtoridad ang kalihim at regional director ng DAR na mag-isyu ng status quo o cease and desist order na dapat sundin ng mga may-ari ng lupa na nagpapalayas ng mga magsasaka, at may kaparusahang contempt at indirect contempt kapag hindi sinunod.

Isa-isa ring tinatanggal ng kalihim ang dating mga kautusan na aniya’y pasakit sa mga benepisyaryo ng lupa: kabilang dito ang probisyon hinggil sa Application to Purchase and Farmers’ Undertaking (isang dokumentong kailangan pirmahan ng mga benepisyaryo sa loob ng 30 araw, kung hindi ay madidiskwalipika sila), at pagbabayad ng docket fees at iba pang singilin sa mga magsasaka.

Kagulat-gulat din, ayon kay Ka Paeng, ang backlog na dinatnan niya sa ahensiya, o ang hindi pagtupad ng nakaraang mga administrasyon sa mga batas at programa sa repormang agraryo. Noong 2016, inilabas ng DAR ang AO No. 8, na nagbibigay ng guidelines o alituntunin hinggil sa distribusyon at pagtititulo ng 15,000 ektarya ng lupa sa ilalim ng Republic Act 3844 o Agricultural Land Reform Code—isang batas noong panahon pa ni dating Pang. Diosdado Macapagal. “Matagal nang na-turn over ng Land Bank of the Philippines sa DAR (ang lupain), wala lang guidelines (sa distribusyon),” sabi ni Ka Paeng.

Mahigit 90 anyos na ang dalawa sa mahigit 300 magsasaka sa Tarlac City na tumanggap ng mga titulo sa lupa dahil sa kautusang ito ng DAR. “Tinanong ko ang isa sa kanila, ‘Tatang, bakit gusto mo ikaw pa mismo ang tumanggap?’ Ang sagot sa akin, ‘Kasi po secretary, matagal na naming hinintay ang titulong ito, mahigit 50 taon.’ ‘Yung isa namang magsasaka, mahigit 80 anyos na, pilit na inaabot ang titulo, kahit hindi na niya maitaas ang kanyang kamay dahil sa stroke,” kuwento ni Ka Paeng.

Ngunit marami pang kailangang gawin—karamihan, para lamang umano tanggalin ang mga sagka sa repormang agraryo na itinatakda ng CARP at ipinatupad ng DAR.

Noong nakaraang taon, inirekomenda ng DAR kay Pangulong Duterte, sa pamamagitan ng Presidential Agrarian Reform Council, ang dalawang-taong moratorium sa land use conversion (LUC). Ang land use conversion o pagpapalit-gamit ng lupa ang ginamit na dahilan ng maraming panginoong maylupa para makaiwas sa repormang agraryo. Ngunit hinarang ng mga economic manager ng pangulo ang panukala ni Ka Paeng noong nakaraang taon.

Ngunit hindi tumigil dito si Ka Paeng. Aniya, kasalukuyang inaaral ng ahensiya ang mgaLUC order na maaring i-revoke o bawiin. Sa ilalim ng CARP, pwedeng bawiin ng DAR ang isang LUC order kapag walang naganap na development sa lupain sa loob ng limang taon. At kaiba sa naunang mga administrasyon, desidido ang DAR na gamitin ang kapangyarihang ito para bawiin—imbes na aprubahan—ang mga petisyon para sa pagpapalit-gamit ng lupa.

Nirerepaso rin ng DAR ang umano’y mahigit 10,000 petisyon para sa kanselasyon ng CLOA—mga kasong matagal nang hindi nareresolba, at pumipigil sa pamamahagi ng lupa sa libu-libong magsasaka. Naglabas din ng kautusan ang ahensiya na naglilimita sa panahon kung kailan pwede maghain ng petisyon o protesta ang mga may-ari ng lupa hinggil sa pagsasaklaw ng kanilang lupain sa CARP.

Gayundin, nirerepaso ng DAR ang mahigit 400 na Agri-Business Venture Agreements (AVA) na pinasok ng mga benepisyaryo sa mga kompanya gaya ng malalaking plantasyon. Ang AVA ang ginagamit ng mga kompanya para gawing manggagawang-bukid o contract grower ang mga magsasaka. Sa ilalim ng AVA, nananatili silang walang kontrol sa lupa at kadalasang binabarat sa sahod o kontrata. Noong Setyembre 2016, halimbawa, kinansela ng DAR ang AVA sa pagitan ng mga benepisyaryo at Marsman Estate Plantation Inc. sa Sto Tomas, Davao del Norte, dahil sa reklamo ng mga magsasaka na paglabag sa kontrata. Kasalukuyang nasa stand-off ang magkabilang panig.

Ngunit hindi naman lahat ng kasong hawak ng DAR ay potensiyal na marahas na bakbakan. Ayon kay Ka Paeng, mayroon ding mga sigalot sa lupa sa pagitan ng mga benepisyaryo na kayang resolbahin sa “hindi antagonistikong paraan”—kaya naman binubuo ng DAR ang mga agrarian reform committee sa barangay. “Kasi dapat kapag usapin sa pagitan ng ARBs o mga magsasaka, amicable settlement. Kasi malinaw naman sa akin na iba ito sa kontradiksyon sa pagitan ng mga magsasaka at malalaking may-ari ng lupa.”

Sa kabila ng limitasyon

Hindi lingid sa kaalaman ni Ka Paeng ang tumitinding panggigipit at pandarahas sa mga magsasaka sa ilalim ng all-out war,batas militar sa Mindanao, at namemeligrong usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Sa talaan ng Karapatan, nasa 68 na magsasaka na ang pinaslang, at mahigit 300 ang ilegal na inaresto sa unang taon ni Pangulong Duterte. Nang tanungin ang kalihim ng DAR kung nangangamba ba siyang tanggalin sa puwesto sa gitna ng nakakabahalang mga pangyayaring ito, simple lang ang kanyang sagot: “Ayoko namang pangunahan.”

Sa halip, ginagawa ni Ka Paeng ang lahat ng kanyang makakaya para depensahan ang mga magsasaka. Kamakailan, natuklasan niya na maaaring sumaklolo ang DAR sa mga magsasakang sinampahan ng mga panginoong maylupa, kompanya, militar, at noong nakaraang mga taon—mismo ng DAR—ng mga kasong kriminal. Aniya, irerekomenda ng DAR sa korte na ibasura ang mga kasong kriminal laban sa mga magsasaka na may kinalaman sa agrarian dispute o sigalot sa lupa. “Hindi po pwedeng ang DAR ang magpapakulong ng mga magsasaka. Ang DAR ay magiging bahagi ng kampanya sa pagpapalaya ng mga nakakulong na magsasaka!” magiit na sinabi ng kalihim sa kanyang talumpati.

Hindi nawawala ang pag-asa ni Ka Paeng na matutuloy pa rin ang ika-limang round ng usapang pangkapayapaan, at mailuluwal nito ang matagal nang hinihintay na kasunduan sa mga repormang sosyo-ekonomiko o Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).

Isa sa mga pundasyon ng panukalang CASER ng NDFP ang libreng pamamahagi sa lupa—at sa kauna-unahang pagkakataon, pumayag dito ang GRP, sa ika-apat na round ng usapang pangkapayapaan. Libreng pamamahagi sa lupa rin ang pangunahing laman ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) o House Bill 555, na matagal nang isinusulong ng kilusang magsasaka at ni Ka Paeng, noong siya pa ay nasa Kongreso.

Sa pag-aaral ng KMP, siyam sa bawat 10 benepisyaryo sa lupa ang hindi nakakabayad ng amortisasyon. Malaking balakid ito sa kanilang pagkakaroon ng sariling lupain. At dahil itinatakda ng CARP ang kabayaran sa lupa, limitado ang magagawa ni Ka Paeng hinggil dito. Daan-daan libong ektarya ng lupain—mga asyendang itinakas ng mga may-ari sa saklaw ng CARP—ang hindi rin maaaring galawin ni Ka Paeng, hangga’t hindi naibabasura ang CARP at naisasabatas ang GARB.

Sa kabila ng mga limitasyon, determinado si Ka Paeng na ipaglaban, sa lahat ng pagkakataon, ang mithiing tunay na reporma sa lupa.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This