Kilalanin ang Martial Law Generals
June 16, 2017

HUWAG DAW mabahala sa Martial Law dahil terorista lang ang target nito at hindi ordinaryong mamayan, aktibista, o sibilyan. Sisiguraduhin daw ng gobyerno na walang mangyayaring paglabag sa karapatang pantao ng mga taga-Mindanao.

Pero sinu-sino ba ang mga nasa likod ng Martial Law na katuwang ni Pangulong Duterte sa pagtugon diumano sa mga sinasabing banta sa bansa? Ano ba ang track record nila sa pagrespeto sa karapatang pantao? Kilalanin natin ang tatlong heneral sa likod ng Martial Law ni Duterte.

Ang implementor: Gen. Eduardo Año a.k.a rebel hunter

Kasalukuyang chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Gen. Eduardo Año. Inansunsyo ni Pang. Duterte noong Mayo 9, 2017 ang pagtatalaga kay Año bilang susunod na Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary. Noong Hunyo 2 dapat mag-uumpisa si Año sa DILG, pero nang ideklara ni Duterte ang Martial Law sa Mindanao noong Mayo 23, itinalaga niya ang heneral bilang implementor nito.

“The Chief of Staff. He is there. He’s supposed to take his oath of office this week as DILG chief. Retired na siya eh. But I said, I do not want to change horses midstream. I have extended his tour of duty to another six months,” ang paliwang ni Duterte.

Bilang implementor ng Martial Law, sinasabing nanganganib ang mga karapatang pantao sa ilalim ni Año. Ayon sa human rights group Karapatan, mahaba na ang track record ng heneral sa pang-aabuso at paglabag sa mga karapatang pantao. Sa katunayan, kilala si Año sa kaniyang estilo ng pandurukot sa mga aktibista at pagbansag sa mga ito na rebelde, dagdag ng Karapatan.

Naging matunog ang pangalan ni Año nang ituro siya ng pamilyang Burgos bilang sangkot sa pagdukot at pagkawala ni Jonas, isang activist at peasant organizer noong Abril 2007. Noong panahong ito, si Año ang namumuno sa Intelligence Service Group (ISG) ng Philippine Army. Ayon sa mga saksi, dinukot diumano ng military intelligence agents si Jonas sa loob ng Ever Gotesco mall. Sinampahan ng kaso ng pamilya Burgos sina Gen. Año at iba pang military officials na sangkot sa pagdukot kay Jonas noong Hunyo 2011. Inutos ng Korte Suprema ang AFP na agag ilabas si Jonas. Pero hanggang ngayon, makalipas ang sampung taon, “missing” pa rin si Jonas.

Ilang buwang pagkatapos madukot si Jonas, dinakip naman ng ISG sa ilalim pa rin ng pamumuno ni Año si Elizabeth Principe, isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ayon sa grupong Desaparecidos, palabas si Principe mula sa isang clinic sa Cubao, Quezon City nang pilit siyang ipinasok sa isang van ng mga armadong kalalakihan na pawang mga nakasibilyan. Tatlong araw tinago si Principe hanggang inilitaw siya ng AFP sa isang press conference noong Disyembre 1.

Si Año naman ang commander ng 10th Infantry Division ng AFP noong naganap ang Paquibato massacre noong Hunyo 2015 kunsaan pinaslang ang tatlong Lumad community leaders.

Sa ilalim ng kaniyang termino bilang chief ng Intelligence Service of the Armed Forces, inaresto rin ang NDFP peace consultants na sina Benito at Wilma Tiamzon noong Marso 2014.

Kasabay ng paghaba ng listahan ng HR violations at abuses kunsaan sangkot si Año ay ang pag-akyat niya sa pwesto bilang heneral, hanggang sa pagtatalaga sa kanya bilang chief-of-staff. At kahit matapos ang pagretiro mula sa AFP, naghihintay pa rin kay Año ang isang importanteng posisyon na DILG secretary.

Ang administrador: Gen. Delfin Lorenzana

Si Lorenzana ang itinalagang martial law administrator. Bilang administrador, katuwang niya si Duterte at security advisers sa paglikha ng guidelines ng Martial Law. Matunog ang pangalan ni Lorenzana ngayon, mula sa usapin sa peace talks, all-out war sa NPA, territorial issues laban sa China, at iba pa. Pero sino ba si Lorenzana?

Noong 1980s, pinangunahan ni Lorenzana ang pagtatayo ng paramilitary group na Citizen Armed Force Geographical Units (CAFGU) noong nadestino siya sa Davao. Binuo ang CAFGU para tumulong sa counterinsurgency program ng gobyerno laban sa NPA. Notoryus ang CAFGU sa kanilang human rights violations sa mga komunidad sa kanayunan.

Pinangasiwaan din ni Lorenzana ang military bilateral relations sa pagitan ng US at Pilipinas na sakop ng Visiting Forces Agreement (VFA), military exercises, military aid, training at foreign military sales.

Sa taong 2002, tumulong siya sa pagsasaayos ng Terms of Reference o TOR ng Balikatan Exercises sa pagitan ng AFP at US Pacific Command na may layunin na sugpuin ang Abu Sayyaf sa Basilan. Sa kasaysayan ng Balikatan exercises, ang TOR na ito ay ang pinakaunang pagkakataon na pinahintuluan ang paglahok ng US sa domestic combat operations. Sa ilalim ng Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement, taunang isinasagawa ang Balikatan sa pagitan ng AFP at US Armed Forces.

Nagsanay si Lorenzana ng crisis management sa ilalim ng US State Department. Ginawaran din siya ng US Armed Forces ng “legion of merit”, isang military honor para sa katangi-tanging paggampan ng serbisyo.

“Amboy” ang tawag ng mga kritiko ni Lorenzana sa dating heneral dahil sa mga naging pahayag nito sa iba’t ibang isyu. Nang nagbanta si Duterte ng terminasyon ng VFA at Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA  noong Oktubre, agad na naging pahayag ni Lorenzana ang “I really don’t know because the president has been issuing statements without consulting the Cabinet,” sabi ni Lorenzana.

Noong hearing ng kumpirmasyon niya bilang DND secretary, sinabi ni Lorenzana na hindi niya alam kung bakit suspendido ang joint exercises sa pagitan ng Pilipinas at US, na siya umanong “kapaki-pakinabang” sa pagsasanay ng mga Pilipinong sundalo.

Matapos naman sandaling masuspindi ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng NDFP noong Pebrero, agad-agad namang nagdeklara ng all-out war si Lorenzana laban sa grupo. Nagresulta ito ng matitinding operasyong militar sa daan-daang baryo sa buong bansa, ayon sa Karapatan.

Sa pagtutugis sa Maute group sa Marawi, naharap din sa batikos sina Lorenzana at Duterte matapos malaman ng publiko ang paglahok ng mga tropa ng US. Itinuro ni Duterte si Lorenzana bilang nasa likod ng desisyong ito, at tinangging alam niya ang tungkol dito.

“I am not aware of that until they arrived. When I declared martial law, I gave the power to the defense department,” ani ni Duterte sa isang press conference sa Cagayan De Oro noong Hunyo 11.

Ang national security adviser: Gen. Hermogenes Esperon a.k.a ‘Hello, Garci’ general

Ilang buwan pa lamang matapos ang panunugkulan ni Esperon bilang AFP chief-of-staff, itinalaga na siya bilang peace adviser ni Arroyo noong Hunyo 2008. Ito ay sa kabila ng kaniyang pahayag na dudurugin diumano ng AFP ang rebelyon pagdating ng 2010.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, ipinatupad ng AFP ang Oplan Bantay Laya, ang counter-insurgency program ng administrasyong Arroyo na nagresulta ng malaking bilang ng human rights abuses laban sa mga mamamayan.  Umani ng oposisyon sa loob at sa labas ng bansa ang Oplan Bantay Laya. Sa ulat ng UN special rapporteur na si Philip Alston, sinabi niyang responsable ang AFP sa libu-libong pagpatay at pagdukot sa mga aktibista at pinaghinalaang kritiko ng administrasyon.

Naging sangkot din si Esperon sa ‘Hello, Garci?’ election fraud scandal noong 2004. Iniutos diumano ni Gloria Arroyo kay Esperon ang pagpapatalsik sa pwesto ng ilang opisyal ng militar na pinaghihinalaang mga tagasuporta ni Fernando Poe Jr. na kalaban niya sa pagkapangulo noong 2004 presidential elections. Sa kabila ng tumitinding ligalig sa loob mismo ng AFP ay naluklok siya bilang AFP chief-of-staff noong 2006.

Idinadawit din ang pangalan ni Esperon sa mga isyu ng korapsyon sa loob ng AFP. Ayon sa Commission on Audit, napag-alamang mayroong unliquidated cash advances na nagkakahalagang halos Php434 million noong 2006. Mayroong halos Php1.1 million na hindi maipaliwanag na gastos sa Western Mindanao Command. Kapwa kinasangkutan niya sa ilalim ng kaniyang termino bilang AFP chief-of-staff.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang korapsyon at human rights abuses na kinasasangkutan ni Esperon ay patuloy ang pagtaas ng kaniyang posisyon sa AFP man. Sa kabila nito, naluklok si Esperon bilang National Security Adviser ni Duterte noong 2016.

MAG-IISANG BUWAN na  matapos ideklara ang Martial Law, libu-libo na ang apektado dahil sa mga operasyong militar sa Mindanao. Ayon sa Karapatan, lumala pa ang pag-atake ng militar sa mga baryo at mga komunidad dahil dumagdag pa sa counterinsurgency program ng gobyerno ang pagpataw ni Duterte ng Martial Law.  Malaki ang ginampanang papel ng tatlong heneral sa mga nagdaang countersinsurgency programs. Kaya’t ayon sa human rights groups, hindi nakapagtataka na papatindi ang mga paglabag sa karapatang pantao dahil na rin sa track record ng mga heneral sa likod ng Martial Law ni Duterte.

Research by Micah Magaro
Artwork by Aira Jimenez and Kit Gonzales

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This