#BeyondElections2016

Labanang David vs. dalawang Goliath sa Northern Samar

Fr. Walter Cerbito: Binabangga ang dinastiyang Ong-Daza sa Northern Samar. Contributed Photo.
Labanang David vs. dalawang Goliath sa Northern Samar

“Ang kandidatura ko ay hindi akin. Ito ay ang kolektibong tindig ng mga mamamayan na sukang-suka na sa pulitikal na dinastiya.” Ito ang sagot  ni Fr. Walter Cerbito nang tanungin kung bakit tatakbo siya bilang gobernador ng Northern Samar, upang kalabanin ang incumbent na si Gov. Jose “Jun” Ong.

Si Governor Ong ang ikatlong pinakamayamang gobernador sa buong Pilipinas at miyembro ng pulitikal na dinastiya ng mga Ong.

Ang Northern Samar ay tahanan ng dalawang dinastiya sa pulitika—ang mga Ong at Daza—na salitan lamang sa pagpapatakbo sa lalawigan.

Ang kapatid ni Jun Ong, si Emil, ang nakaupong kongresman ng ikalawang distrito. Bagama’t hindi kandidato ngayon si Emil, ang kanyang anak na si Edwin ay kakandidato kahalili ni Emil. Dati ring gobernador ang bayaw ni Emil na si Madeline.

Samantalang sa kabilang dulo, ang dating gobernador na si Raul Daza ay tumatakbong kongresman ng unang distrito, kapalit ng kanyang anak na si Paul. Kasama sa listahan ng 10 richest congressmen noong 14th Congress si Paul Daza—habang ang Northern Samar, hindi nawawala sa listahang ng 10 poorest provinces.

Bagama’t madalas magsalpukan, napilitan ang dalawang magkaribal na dinastiya na magbuo ng isang koalisyon upang pag-isahin ang kanilang lakas, pera at impluwensiya para dalhin sa lalawigan ang Liberal Party standard-bearer na si Mar Roxas.

Ang koalisyong ito ang pader na ngayo’y binabangga ni Fr. Cerbito, sa kabila ng kawalan ng pondo at pampulitikang makinarya.

Hindi lang kawanggawa

Isinilang si Fr. Cerbito noong Marso 7, 1951 sa Barangay Maniring, Catubig, Northern Samar. Ang kanyang ina na si Hilaria ay nagsilbing kapitan ng barangay, samantalang ang kanyang ama ay isang guro ng pampublikong paaralan.

Maaga pa lamang ay ipinakilala na si Cerbito ng kanyang mga magulang sa pagsisilbi sa kapwa. Dahil lumaki sa simpleng buhay, ordinaryong karanasan na ni Fr. Cerbito ang pakikipamuhay sa mga magsasaka. Sa Maniring, naranasan niya ang hirap ng pagtatanim at pag-ani ng palay, ng pagpanggi (stripping) ng abaka upang ibenta. Ang karanasan ding ito ang punla ng pagnanais niyang baguhin ang mahirap na kalagayan ng mga magsasaka, ng pagnanais na magsilbi sa bayan.

Sa kolehiyo, nagtapos si Fr. Cerbito bilang cum laude  sa kursong Pilosopiya sa Sacred Heart College sa Palo, Leyte. Sa kagustuhang magsilbi sa Diyos at mamamayan, nagpursige siyang mag-aral ng theology sa San Carlos Seminary sa Cebu, bago ma-ordinahan bilang pari.

Tulad ng maraming relihiyoso, naging hamon ang diktaduryang Marcos kay Fr. Cerbito. Noong dekada ’70, sumali siya sa Student Catholic Action at naging aktibo sa Alay Kapwa Program. Mula 1976, aktibo siya sa pagsusulong ng karapatang pantao. Sumali siya sa mga fact-finding mission, relief operations at sa pagdodokumento ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Pangulong Marcos.

Naging bahagi si Fr. Cerbito ng maraming mga pormasyon at alyansa na nakipaglaban para pabagsakin ang diktadura. Naging youth director din siya ng simbahan, at aktibong nagsulong ng pangangalaga ng kalikasan bilang convenor ng Regional Alliance Against Mining, Illegal Logging and Corruption. Katulad ng maraming aktibista, naging bahagi na ng buhay ni Fr. Cerbito ang panghaharas, paniniktik at maitim na propaganda ng gobyernong antagonistiko sa sinumang kritiko nito.

Si Fr. Cerbito sa lamay ni Emil Go, kampanyador at lider ng Bayan Muna na pinaslang noong Abril 29. Contributed Photo.

Si Fr. Cerbito sa lamay ni Emil Go, kampanyador at lider ng Bayan Muna na pinaslang noong Abril 29. Contributed Photo.

Panggigipit sa kampanya

Bilang isang senior citizen, nais na sana ni Fr. Cerbito na mamuhay nang payapa sa kanyang pagretiro. Ngunit hindi niya matiis ang kalunus-lunos na kalagayan ng kanyang lalawigan. Tulad ng maraming mamamayan ng Northern Samar, labis ang kanyang pagkamuhi sa koalisyon ng dinastiya ng mga Ong at Daza sa probinsya – ang pulitikal na pag-iisang dibdib ng dalawang mortal na magkaaway upang maghari. Umano’y ang koalisyong ito ay udyok ni House Speaker Feliciano Belmonte, upang siguruhin ang panalo ng mga kandidato na binasbasan ng administrasyong Aquino, pangunahin si Roxas.

Sa pagkakabuo ng koalisyon, dito napagtanto ni Fr. Cerbito na hindi maaaring manahimik na lamang siya. Nagpasya si Fr. Cerbito na tanggapin ang hamon. Dala ang kumpisyansa ng mga tagasuporta at mahabang rekord ng pagsisilbi,  inendorso siya ng Makabayan Coalition, at tumatakbo sa plata

Siya ang unang nangahas lumaban sa dalawang makapangyarihang dinastiyang pulitikal sa isa sa pinakamahihirap na probinsya sa bansa.

“Alam ko ang posibleng konsekwensiya,” sabi ni Fr. Cerbito. Sa kampanya, nagpapakalat ang kanyang mga kalaban ng mga pampleto na nagsasabing isa siyang miyembro ng New People’s Army. Para sa pari, ang ganitong red-baiting ay isang imbitasyon para sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa probinsyang pinaghaharian ng impunidad at mga paglabag sa karapatang pantao.

Noong Abril 29, binaril ang pinatay si Emil Go, isang lider ng Bayan Muna at kanyang kampanyador. Pinaghihinalaang mga goons ng gobyernador ang may kagagawan. “Hindi ko maipaliwanag ang aking kalungkutan at galit sa pagkamatay ni Emil. Nag-aalala ako para sa aking mga tagasuporta,” aniya.

Tinakot noong nakaraang buwan ang mga kabaatang kampanyador ng pari. Umano’y pinilit pumasok ng armadong goons sa satellite office ng Cerbito for Governor Movement sa bayan ng Gamay; umano’y sumali pa ang mga miyembro ng pulisya sa pangha-harass. Isang kampanyador din niya ang sinundan ng dalawang armadong kalalakihan sa Catarman noong gabi ng Abril 29.

Sa kabila ng mga banta sa buhay at kawalan ng pondo, ikinatutuwa ni Fr. Cerbito ang maraming volunteer na nangangampanya para sa kanya. “Nakita ko ang produksiyon nila ng mga materyales sa kampanya. Karamihan, sila mismo ang gumagawa at nagpaparami. Nakakatuwa na kapag ang interes ng mamamayan ang ipinaglalaban mo, kahit wala kang pera, suportado ka nila,” aniya.

“Anuman ang kalabasan na resulta ng halalan, handa ako. Hindi ko aatrasan kahit ang pinakamataas na sakripisyo upang pagsilbihan ang mamamayan,” sabi pa ni Fr. Cerbito—ang tinataguriang David na lumalaban hindi sa isa, kundi sa dalawang Goliath ng Northern Samar.

Ulat ni Vera Natividad

More in #BeyondElections2016

‘Smartmatic can tamper with election results’ –IT experts

Altermidya.NetMay 12, 2016

Several VCMs fail to read votes for Neri Colmenares, progressive partylists

Altermidya.NetMay 9, 2016

Massive disenfranchisement, cheating feared as VCMs fail

Altermidya.NetMay 9, 2016

Paano naiiba ang mga kandidatong progresibo?

Altermidya.NetMay 7, 2016

Neoliberalismo & Mga Kandidato: Kung bakit pare-pareho ang mga tumatakbo sa pagkapangulo

Altermidya.NetMay 7, 2016

Kaban ng bayan, ipinambibili ng boto?

Altermidya.NetMay 7, 2016

Presidentiables 2016: Sinu-sino ang nagpopondo?

Altermidya.NetMay 6, 2016

Sila-sila: Dinastiyang Politikal sa Pilipinas

Pinoy WeeklyMay 5, 2016

Ang Pakikialam ng US sa Halalang Pinoy

Pinoy WeeklyMay 5, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network