‘Libreng edukasyon,’ o nakakamatay pa rin na tuition?
April 4, 2017

Ipinasa ng Senado ang Senate Bill 1304 o mas kilala bilang Free Education for All Actsa ikatlo at huling pagbasa noong Marso 13—sakto sa ika-apat na anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada, estudyante ng University of the Philippines (UP) Manila na nagpakamatay matapos na sapilitang pinag-file ng Leave of Absence nang hindi makapagbayad ng matrikula.

Pero bakit hindi kumbinsido ang mga mag-aaral na libreng edukasyon nga ang tunguhin ng nasabing panukala?

Bagaman tila maganda ang intensyon ng nasabing panukalang batas, sa aktuwal ay hindi ito magbibigay ng “libreng edukasyon para sa lahat.” Una, limitado sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ang coverage nito. Limitado rin ito sa pagbibigay subsidyo sa tuition o matrikula, at hindi sakop ang nagtataasan ding Other School Fees (OSF).

Higit pa sa mga limitasyong ito na humahadlang sa “libreng edukasyon para sa lahat,” ang pangamba ng mga mag-aaral ay maaring magdulot pa ito ng paglawak ng Socialized Tuition Scheme (STS)—ang mismong iskemang nagkait kay Tejada ng edukasyon.

Si Tejada, isang freshman noon sa UP Manila, ay kabilang sa kategoryang Bracket D sa ilalim ng STS. Tinatayang umaabot sa P7,500 kada semestre ang kanyang matrikula kasama na ang iba pang bayarin. Ibig sabihin, itinakda ng STS na kayang bayaran ng kanyang pamilya ang ganoong kalaki na matrikula—kahit pa sa aktuwal ay walang kakayahan ito. Housewife and kanyang ina habang ang kanyang ama ay part-time taxi driver.

Sa unang taon at unang semestre pa lamang, nag-apply na si Tejada ng loan. Sa sumunod na semestre, nag-apply muli siya ngunit hindi na ito pinayagan pa. Mahigpit ang pagpapatupad sa No Late Payment Policy sa UP Manila kaya hindi  na rin tinanggap ang apela maging ng kanyang ama. Doon na tuluyang nanlumo si Tejada ang piniling magbigti.

Reaksiyon ng mga estudyante, paano magiging libre ang edukasyon sa ilalim ng panukalang batas na hinihikayat ang lahat ng SUCs na magkaroon ng socialized tuition scheme? Ang iskemang sinusuri ang bawat mag-aaral para diumano’y makapag-aral nang libre ang “poor but deserving”—pero sa aktwal ay halos walang estudyante na libreng napapa-aral?

Yung mismong sistema na pumatay kay Kristel Tejada, balak pang iimplement nationwide. Di pa ba tayo natuto? #JunkSTS #FreeEducNow

— #TuloyAngLaban (@hazellobres) March 14, 2017

Love u mum but im really not sure about this u know bracket a at b kami ni kuya sa sts and idk about this free education scheme ? pic.twitter.com/pJxjI5TbFh

— Clairdelune (@icbsalvador) March 14, 2017

Sino ang sakop ng ‘full tuition subsidy’?

Nilalayon diumano ng Free Education for All Act na gawing “abot-kaya ang mataas na edukasyon sa mga estudyanteng walang kakayahang pampinansyal ngunit karapat-dapat.” Mayroong pagkilala sa mandato ng estado na ilagay ang edukasyon bilang top budgetary priority.

Sa ilalim ng panukalang batas, posibleng mabigyan ng full tuition subsidy ang lahat ng Pilipinong kabataan na kasalukuyang enrolled o mag-e-enroll sa SUCs sa alinmang undergraduate/certificate course, sa kondisyong matutugunan niya ang admission requirements ng kanyang papasukan/pinapasukang SUC.

Hindi kasali ang mga nakatamo na ng bachelor’s degree. Hindi rin mapapabilang sa full tuition subsidy ang mga napatawan ng dishonorable discharge sa anumang rason maliban sa kawalan ng kakayahan na makapagbayad ng matrikula’t iba pang bayarin.

Ngunit, sinasaad din sa panukalang batas na tungkulin ng SUCs na lumikha ng mekanismo na pagbayarin ang mga estudyanteng mayroong pinansyal na kapasidad na magbayad ng matrikula:

“Establish a qualifying mechanism, which shall be meritocratic and equitable. This shall include but not be limited to a qualifying examination and an affirmative action mechanism for financially disadvantaged students.”

Ibig sabihin, kailangan munang makapasa sa isang eksaminasyon upang masukat kung karapat-dapat nga ba sa libreng edukasyon ang isang estudyante. Higit pa rito, kailangan muna niyang patunayan ang kanyang naghihirap na estado ng buhay.

Ganito ang esensya ng STS, na nakitang dahilan ng pagtaas ng matrikula sa UP System hanggang sa kasalukuyan nitong antas na hindi maabot ng pamilya ng karaniwang mag-aaral.

Ayon sa datos ng Philippine Collegian, tatlo sa apat na mag-aaral ng UP ang nag-a-apela ng mas mababang bracket sa ilalim ng STS.

“Sa halip na bigyan ng libreng edukasyon ang mahihirap, nangangamba kaming mahadlangan pa lalo ang kanilang access to education,” sabi ni Kabataan Rep. Sarah Jane Elago.

Tuluy-tuloy ang pangongolekta ng OSFs

Nakasaad din sa SB 1304 na palalakasin ang Student Financial Assistance Programs (StuFAP) ng CHED sa pamamagitan ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST). Ito raw ang paraan upang matustusan ang matrikula ng mga hindi pasok sa full tuition subsidy.

Pero para kay Elago, kailangan lang tingnan ang naging karanasan ng UP para maintindihan ang implikasyon nito. “Ang probisyong ito ay nagbibigay ng leeway para sa SUCs na mangolekta o magtaas pa nga ng singil sa OSFs, sa kadahilanang pwede naman itong ma-waive sa ilalim ng financial assistance. Pero kailangan mo munang mag-apply at patunayan na karapat-dapat ka sa financial assistance,” paliwanag ni Elago.

Sa ilalim ng panukalang batas, nananatiling deregulated ang paniningil ng OSFs—ibig sabihin, may kapangyarihan ang SUCs na maningil at itaas ito.

Noong 2015, kumita ang UP ng P11.4 Billion. Karamihan dito ay kinuha mula sa matrikula at OSFs na binayad ng mga estudyante.

Pero rekomendasyon pa ng economic team ng administrasyong Duterte—sina Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Benjamin Diokno, at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia—sa halip na magpasa ng mga batas hinggil sa libreng tuition o edukasyon, dapat na lang palakasin ang UniFAST, o ang binabatikos ng mga estudyante na hungkag na financial assistance program.

Subsidyo sa pribadong edukasyon

Gaya rin ng voucher system ng programang K-12, may subsidyong ilalaan ang gobyerno para sa pribadong mga Higher Education Institutions, ayon sa SB 1304. “Eh di garantisado ang kita ng mga pribadong eskwelahan. Ang gagawin lang nila, lalong tataasan ang matrikula para lalong kumita,” dagdag pa ni Elago.

Ang mga probisyon para sa socialized tuition scheme at subsidyo sa pribadong mga unibersidad at kolehiyo ay makikita rin sa Universal Access to Tertiary Education Act na isinasalang naman sa Kongreso. Inilalaban ng Kabataan Party-list na matanggal ang mga probsiyon na ito, at maisulong ang tunay na libreng edukasyon, na nakasaad sa sarili nitong Comprehensive Free Public Higher Education Bill.

Para dito, kailangan umano ang paggiit ng mga estudyante sa buong bansa ng libreng edukasyon bilang  batayang karapatan.

Libreng edukasyon: malayo pa

Simula noong pagkamatay ni Tejada, limang estudyante pa ang naiulat na nagbigti dahil hindi makapag-aral. Ito ay sina:

• Jayson Masancay, Biology student ng University of the East

• Rosanna Sanfuego, Cagayan State University

• Jhoemary Azaula, Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology

• Nilna Habibun, estudyante mula sa Zamboanga Sibugay

• Jessiven Lagatic, graduating student ng Central Bicol State University of Agriculture

Tila hindi pa maiiwasang maulit ang ganitong mga trahedya, hangga’t ang edukasyon ay nananatiling pribilehiyo lamang ng mga may-kaya sa buhay.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This