News

Libu-libong magsasaka, naghahanda sa pagkilos sa SONA

Ika-8 na Pambansang Kongreso ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Larawan ni Ilang-Ilang Quijano/Altermidya
Libu-libong magsasaka, naghahanda sa pagkilos sa SONA

Legazpi City, Albay–Libu-libong magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naghahanda para sa malakihang mga pagkilos para salubungin ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Rodrigo Duterte. Panawagan nila ang libreng pamamahagi ng lupa, sa gitna ng tumitinding militarisasyon sa kanayunan.

Nasa 2,000 na magsasaka mula sa 15 rehiyon ang dumalo sa ika-8 na Pambansang Kongreso ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ginanap sa Ibalong Centrum.

Ayon sa KMP, umabot na sa 64 magsasaka ang pinatay ng militar at bayarang goons ng mga panginoong maylupa sa ilalim ng unang taon ng administrasyong Duterte.

“Kung kami ang tatanungin, bigo si Pangulong Duterte na tugunan ang pinakabatayang mga panawagan ng mga magsasaka. Ang kanyang pagsuporta sa mga polisiyang neoliberal at paglabag sa mga karapatang pantao ng mga magsasaka ang mga isyung ihahapag namin sa kanya sa darating na SONA,” sabi ni Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Sa paglalahad ng mga lokal na tsapter ng KMP, lumalabas na kontrol ng mga panginoong maylupa sa malalaking lupain, pang-aagaw ng lupain dahil sa pagmimina at iba pang proyekto, mababang presyo ng kanilang mga produkto, importasyon ng mga produktong agrikultural, kawalan ng patubig at iba pang serbisyong pangsaka, at mababang pasahod sa mga manggagawang agrikultural pa rin ang pangunahing mga problema ng mga magsasaka.

Ngunit sa gitna nito, patuloy umanong lumalawak ang kilusan ng mga magsasaka para igiit ang karapatan sa lupa. “Sa loob ng apat na taon ay nagkaroon ng mga pagbawi sa mga lupa ng mga magsasaka mula sa mga panginoong may lupa at nakapaglunsad ng bungkalan sa iba’t ibang mga lalawigan,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng KMP, sa kanyang paunang pananalita.

Sa pamumuno ng KMP, binubungkal ng mga magsasaka ang tiwangwang na mga lupain o di kaya’y mga lupain na dapat naipamahagi na sa kanila ngunit hinahawakan pa rin ng mga panginoong maylupa.

Kabilang sa mga matagumpay na okupasyon at bungkalan ng lupa ang sa Hacienda Luisita, Tarlac City; Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas; mga niyugan sa Quezon Belt; Yulo King Ranch sa Coron, Palawan; Alameda Reservation sa Arakan, North Cotabato; Sanson at Dumarao Estate sa Panay Island; mga tubuhan sa Negros Island; plantasyon ng Lapanday Foods Corp. sa Tagum City; 10,000-ektaryang lupaing inaangkin ng negosyanteng si David Consunji sa Sultan Kudarat, at iba pa.

DAR Secretary Rafael Mariano. Larawan ni Ilang-Ilang Quijano/Altermidya.

Nakiisa naman sa mga magsasaka si Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. Ka Rafael Mariano. Sa kanyang talumpati, inilahad ni Mariano ang mga hakbang ng DAR para tiyaking “walang mapapatalsik na magsasaka sa kanilang mga lupain, at walang magsasaka na napatalsik ang hindi mababalik sa kanilang lupain.”

Inilahad din niya na kasalukuyang nirerebyu ng DAR ang mga kaso ng agrarian dispute o sigalot sa lupa kung saan sinampahan ang mga magsasaka ng kriminal na kaso ng gobyerno at mga panginoong maylupa. Aapela ang DAR sa mga korte na ibasura ang nasabing mga kaso laban sa mga magsasaka.

Inamin ni Secretary Mariano na maraming butas ang mga kasalukuyang batas at polisiya sa repormang agraryo “na hindi tumutugon sa interes ng uring magsasaka.” Kaya umano mahalagang magpatuloy ang magandang simulain ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines na nagkasundo na sa prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa.

Nakiisa rin sa mga magsasaka si National Anti-Poverty Commission Sec. Liza Maza. Aniya, kinikilala ng kanyang ahensiya ang pagkain at tunay na reporma sa lupa bilang bahagi ng “sampung karapatan na dapat matamasa ng mga mamamayan.” Sinisikap umano ng NAPC na tupdin ang mandato nito na mapalakas ang boses ng mga magsasaka.

Sa isang maikling programa, inalala ng KMP ang mga magsasakang at pinatay sa pakikibaka para sa lupa. Kabilang dito si Alexander Ceballos, binaril ng pinaghihinalaang goons ng asenderong umaangkin sa lupang kanilang binubungkal sa Negros Occidental; lider-Lumad na si Renato Anglao, na tumututol sa ekspanyon ng plantasyon ng isang bise-alkade sa Bukidnon; at mag-asawang Ramon at Leonila Pesadilla sa Compostela Valley, na tumututol sa AgPet Mining ng San Miguel Corp. at binaril ng pinaghihinalaang mga sundalong militar.

“Hindi natin makakalimutan at paparangalan ang mga kasamang dinukot, hinuli, at pinatay bilang kasama sa ating pakikibaka,” sabi ni Canlas.

May temang “Magtagumpay!,” layunin ng ika-8 na Pambansang Kongreso ng KMP na mapatatag ang pagkakaisa ang mga magsasaka sa buong bansa para makamit ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang solusyon sa kahirapan.

Ulat nina Bastin Adrias at Ilang-Ilang Quijano

More in News

Paving the way for an alternative newscast

Altermidya.NetNovember 15, 2017

Humanitarian missions in Batangas attempt to probe ‘Marawi-style’ military operations

Southern Tagalog ExposureOctober 1, 2017

Itaas ang buying price ng tabako, panawagan ng mga magsasaka ng Ilocos

Altermidya.NetSeptember 8, 2017

Higit 3,000 Moro, Lumad at pambansang minorya patungong Maynila para sa #Lakbayan2017

Bastin AdriasAugust 29, 2017

Sorsogon rights workers: July 28 ‘encounter’ was a massacre

Altermidya.NetAugust 6, 2017

Students, teachers hail passage of free tuition law

Altermidya.NetAugust 4, 2017

Students enraged at retraction of free tuition policy in SUCs 

Altermidya.NetAugust 3, 2017

Fisher folk leader shot dead in Guihulngan City

Altermidya.NetJuly 26, 2017

Women’s groups call for peace amid rising militarism in PH

Altermidya.NetJuly 17, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network