Paano naiiba ang mga kandidatong progresibo?
May 7, 2016

Sa tuwing eleksyon, lahat ng mga kandidato ay langit at lupa ang ipinapangako. Pero may mga kandidatong hindi ipinapangako ang langit at lupa kapag naupo sila sa puwesto: dahil sa totoo lang, anila, imposible ito sa loob ng kasalukuyang sistema ng gobyerno.

Sila ang mga kandidatong progresibo: kumakatawan sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante, katutubo, at iba pang sektor. Hindi pa man nakakaupo sa Kongreso, lumalahok na sila sa tinatawag na “parlamento ng lansangan,” para ipresyur ang gobyerno na pakinggan ang tinig ng mahihirap at api.

Simula noong 2001, sinubukan na ng mga progresibo na makapasok sa mismong parlamento. Sinamantala nila ang Party-list System Act—ang batas na nagbibigay-puwang sa mga hindi tradisyunal na pulitiko na makapasok sa Kongreso. Ibig sabihin, kinikilala kahit ng batas na hindi demokratiko ang Kongreso, dahil galing sa mga political dynasty ang karamihan sa nakaupo.

Bitbit ang “pulitika ng pagbabago,” nakakalap ng 1.7 Milyong boto ang Bayan Muna party-list noong una itong sumabak sa eleksyon. Sa nakaraang Kongreso, umabot na sa lima ang progresibong party-list: kasama ang ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela Women’s Party, at Kabataan. Sila ang tinatawag na Makabayan bloc.

Ngayong eleksyon, sisikapin din ng Migrante Sectoral Party at Piston na makaupo sa Kongreso.

Sa interes ng mahihirap at api

Kaiba sa ibang mga party-list na halos hindi na naringgan ng mga ginawa o ipinaglaban para sa diumano’y kinakatawan nito nang makaupo sa Kongreso, naging konsistent ang Makabayan bloc sa pagtupad ng tungkulin nitong isulong ang interes ng mahihirap at api.

Nariyan ang paghain ng mga panukalang batas na tunay na tumutugon sa kahilingan ng mga mamamayan: mula sa P125 across-the-board na dagdag-sahod, pagbabawal sa kontraktuwalisasyon, Genuine Agrarian Reform Bill, hanggang sa pagpapababa sa napakataas na income tax.

Ngunit siyempre, limitado ang inusad ng mga panukalang batas na ito sa loob ng Kongreso, na dominado ng malalaking negosyante at panginoong maylupa. Bangga sa interes nila, halimbawa, ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka o ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Isang malinaw na halimbawa ang P2,000 dagdag sa SSS pension na ilang taon isinulong ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa pakikipagtulungan sa mga senior citizen. Nitong Enero, vineto o ipinatigil ni Pangulong Aquino ang pagsasabatas ng dagdag-pensyon. Habang inatras na rin ng ilang mga mambabatas ang suporta sa nasabing batas dahil sa presyur mula sa Malakanyang, ipinagpapatuloy ng progresibong mga party-list ang laban.

Epektibong sandata rin ang mga progresibo sa pagpapatigil ng mga pahirap na polisiya ng gobyerno. Halimbawa, noong 2013, nagtagumpay ang Temporary Restraining Order na inihain ng Bayan Muna laban sa P4.15 na pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco. Naging isang pansamantalang ginhawa ito sa mga konsyumer sa Metro Manila.

Naging aktibo ang mga progresibo sa paglaban sa iba’t ibang mga polisiyang nagpapahirap sa mga mamamayan: kung ang ibang mambabatas ay nagpasa ng batas para ipatupad ang K-12, halimbawa, nilabanan ito ng mga progresibo. Dahil alam nila, mula sa daing ng mga magulang, na dagdag-pahirap ito.

Inimbestigahan nila at tinangkang pigilan ang mga polisiya gaya ng pagtaas ng matrikula at pagtaas ng pamasahe sa MRT-LRT. Taun-taon din nilang ipinaglalaban ang mas mataas na badyet para sa mga serbisyong sosyal gaya ng edukasyon, kalusugan, at pabahay.

Kaiba rin sa ibang mga kongresista at senador, nagpursige ang mga progresibo na i-abolish ang pork barrel ng Kongreso at ng pangulo. Sila lang din halos ang nagsiwalat at lumaban sa bago at mapanlinlang na anyo ng pork barrel (ang Bottom Up Budgeting, na pinaniniwalaang ginagamit ngayon ng mga kaalyado ni Aquino sa kampanya.)

‘Sistema ang dapat baguhin’

Pero sa siyempre, dahil minorya sa Kongreso—na dominado ng malalaking negosyante’t asendero—mahirap mapagtagumpayan dito ang mga laban ng mga mamamayan. Katunayan, halos walang pag-asa ito kung hindi kumilos ang mga mamamayan mismo para ipresyur ang gobyerno na ibigay ang kanilang mga kahilingan.

Halimbawa, ayon sa Kabataan, naigiit nilang madagdagan ng P3.6 Bilyon ang badyet ng state colleges and universities para sa 2016. Pero bukod sa pagsalita ng mga lider-estudyante sa loob ng Kongreso, ilang walk-out din ang ginawa ng mga kabataan para itulak ang dagdag-badyet sa edukasyon.

Paliwanag ni Nathaniel Santiago, pangkalahatang kalihim ng Makabayan, dito nagkakaiba ang progresibong mga kandidato sa iba pa: naniniwala silang ang pagbabago ay sama-samang ipinaglalaban. “Kailangang magbago ang buong sistemang panlipunan, at hindi lang ang mga tao sa gobyerno, para makamit ang tunay na pagbabago,” aniya.

Malinaw ang pagbabago na isinusulong ng Makabayan. Sa National Congress nito noong Setyembre 2015, ipinagtibay ng partido ang kanilang Plataporma para sa Industriyalisado at Progresibong Pilipinas. Ang platapormang ito ay hindi lang para sa Makabayan—hinihimok din nila ang ibang kandidato na panghawakan ang platapormang ito bilang pangmatagalang solusyon sa kahirapan at kawalan ng pagkakapantay-pantay.

Narito umano ang mga kailangan para sa tunay na pagbabago:

• Pambansang industriyalisasyon para sa tunay na pag-unlad. Ito ay ang pagkakaroon ng sariling mga industriya na lulutas sa kawalan ng trabaho.
• Reporma sa lupa o libreng pamamahagi ng lupa na pagmamay-ari ng mga asyendero sa mga magsasaka. Kasama dito ang pagtigil sa importasyon at pagibigay ng suporta sa lokal na agrikultura.
• Serbisyong sosyal o libreng serbisyong kalusugan, edukasyon, at pabahay. Makakamit lamang ito kapag itinigil ang pagsasapribado ng mga serbisyo.
• Pambansang soberanya at kultura ng patriyotismo sa halip na pagbukas ng ating teritoryo at ekonomiya sa pananamantala ng mga dayuhan.
• Paggalang sa karapatang pantao
• Maka-mamamayan na badyet o paglaan ng mas malaking bahagi ng pambansang badyet sa serbisyong sosyal sa halip na pambayad sa utang panlabas. Kasama dito ang pagbaba ng buwis na kinakaltas sa mga manggagawa, at pagtaas naman ng buwis sa mayayaman at mga kumpanya.

“Ito ang ating programa na hindi mo maaasahang ipaglaban ng tradisyunal na partidong malalaki,” ani Santiago.

Tagibang ang laban

Sa simula pa lang, dehado na sa laban sa eleksyon ang mga progresibo, na walang rekurso gaya ng tradisyunal na mga pulitiko. Pero mas naging dehado pa sila sa desisyon ng Korte Suprema noong 2013 na kilalanin ang “pekeng” mga party-list na pinapakatakbo ng kilalang mga dinastiyang pulitikal. “Nagdesisyon ang korte na ibasura ang dating prinsipyo ng party-list na eksklusibo lamang para sa mga mardyinalisadong sektor,” ani Santiago.

Ang pagiging totoong pang-mahihirap ng mga progresibong party-list (kumpara sa mga pekeng party-list) ay makikita sa Statement of Assets and Liabilities ng mga kongresista nito: lagi silang nasa ibaba ng listahan ng pinakamayayaman. Katunayan, si Anakpawis Rep. Fernando Hicap ang pinakamahirap na kongresista.

May limitasyon, siyempre, ang kakulangan ng rekurso ng partidong progresibo sa tsansang manalo sa eleksyon—lalo na kung Senado ang tinatangkang pasukin. Ngayong eleksyon, si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang pambato ng Makabayan sa pagka-senador.

Si Colmenares ay isang human rights lawyer na ilang dekada nang nagtatanggol sa karapatan ng mahihirap at api. Anak ng security guard at clerk sa Negros, mula siya sa ordinaryong pamilya at hindi sa mayamang angkan.

Marami mang tagasuporta si Colmenares, tagibang na tagibang pa rin ang laban pabor sa mga tradisyunal na pulitiko (trapo). Ginagamit ng mga trapo ang yaman at pangalan ng kanilang pamilya para lalo pang magpayaman at lumawak ang kapangyarihan. “Ang isang kandidato, pwede siyang bumuhos ng daan-daang milyong piso para lokohin ang tao na siya ay maka-masa, maka-mahihirap, kahit ang kinakatawan na interes ay para sa asendero at negosyante,” sabi ni Santiago.

Sa kabila nito, umaasa ang Makabayan na kahit sa kampanya pa lamang, maipapaabot na nila sa malawak na bilang ng mga mamamayan ang mensahe ng pulitika ng pagbabago. Dahil manalo man o matalo, isusulong nila ito.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This