Features

PAKI-EXPLAIN: ‘Free Tuition’

PAKI-EXPLAIN: ‘Free Tuition’
Micah Magaro

Noong nangangampanya, sinabi ni Rodrigo Duterte na kung siya ay mauupo bilang pangulo, bibigyan niya ng prayoridad ang mataas na badyet sa edukasyon. Disyembre 14, 2016 nang maipasa sa Senado at Kongreso ang P8.3 Bilyong karagdagang badyet para sa Commission on Higher Education (CHED) na umano’y gagamitin para sa “free tuition.” Nakapaloob ito sa isang Higher Education Support Fund.

“The intention is all state universities and colleges would no longer charge undergraduate tuition so that P8 billion is supposed to cover undergraduate tuition in all state universities and colleges,” sabi ni Patricia Licuanan, tagapangulo ng CHED.

Siyempre, marami ang natuwa sa deklarasyong ito.

Taliwas ito sa papataas na tuition fee at iba pang bayarin sa mga State Universities and Colleges (SUCs), sa ilalim ng neoliberal na mga polisiya–dahilan kung bakit hindi ma-afford ng parami nang paraming kabataan na makapag-aral ng kolehiyo. Kaya marami ang halos hindi makapaniwala nang ianunsyo ito ng gobyerno.

Ngunit Disyembre 22 nang inihayag ni Pangulong Duterte ang “conditional implementation” sa ilang mga probisyon ng General Apropriations Act ng 2017, kabilang na ang “free tuition” policy.

“Yet as with all new programs, there is a need to safeguard the proper implementation of the provision of free tuition fee. It is important to underscore that we must still give priority to financially disadvantaged but academically able students,” sabi ni Duterte.

Ano ang ibig sabihin ng conditional implementation ng ‘free tuition’?

Tahasang nakasaad sa General Apropriations Act ng 2017 o Republic Act 10924, kung saan nakapaloob ang Higher Education Support Fund, na hindi na dapat magbayad ng tuition fee ang mga estudyante ng SUCs:

“Starting the first semester of SY 2017 – SY 2018, no tuition fee shall be collected from undergraduate students.”

Ngunit tila taliwas dito ang conditional implementation ng free tuition na ipinahiwatig ni Duterte sa kanyang veto message sa 2017 pambansang badyet. Ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago, hindi naman tahasang sinabi ng pangulo na hindi na sasakupin ng free tuition ang lahat ng estudyante–pero, baka limitahan ng CHED ang coverage nito. Hindi ito malayong mangyari. Bagama’t handa na raw ang Implementing Rules and Regulations ng CHED para sa free tuition, hindi pa rin nila ito isinasapubliko. Nagpahayag na si Licuanan na dapat ang mahihirap ngunit deserving na kabataang Pilipino lamang ang may akses sa libreng tuition. Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi niya na hindi mapapakinabangan ng mahihirap ang free tuition dahil 8% lang ng kasalukuyang naka-enroll sa kolehiyo ang “mahirap.” Binatikos ang pahayag na ito ng kanyang kapwa CHED commissioner na si Prospero de Vera. Kinukuwestiyon niya kung paano kinategorya ni Licuanan ang “mahirap,” at sinabing dapat may access sa libreng edukasyon ang pinakamaraming bilang ng mga Pilipino. Babala naman ni Rep. Elago, labag sa R.A. 10924 ang anumang hakbang ng CHED para ipagkait sa sinumang estudyante ang libreng tuition. Tinatayang nasa 1.6 milyong estudyante ang dapat makinabang sa free tuition.

Lahat ba ng SUCs ay sakop ng free tuition?

Sa kasalukuyan, mayroong 113 na SUCs sa buong bansa. Layunin sanang masaklaw ng Higher Education Support Fund ang lahat ng ito. Pero sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno, 14 SUCs lamang ang kayang mabigyan ng libreng matrikula. Kaya wala pang tiyak na sagot ang gobyerno sa katanungang ito hanggang ngayon.

Pero posibleng kulang ang karagdagang P8.3-B na inilaan sa CHED para pondohan ang free tuition sa lahat ng SUCs. Ayon sa IBON Foundation, nasa P12.7-B ang kinakailangang pondo upang matugunan ang matrikula ng lahat ng mga estudyante ng SUCs.

Kailan sisimulan at hanggang kailan ang free tuition?

Magsisimula sa taong akademiko 2017-2018 ang libreng matrikula sa SUCs. Sa ngayon, malinaw na pang-isang taon lamang ang nasa pambansang badyet. Walang pahayag ang gobyerno kung ipagpapatuloy ang Higher Education Support Fund sa susunod na mga taon.

Ano ang problema sa conditional implementation ng free tuition?

Maaaring kailangan mo munang patunayan na mahirap ka bago mag-qualify sa libreng tuition. Ito rin ang esensya ng Socialized Tuition System (STS) sa Unibersidad ng Pilipinas, na binabatikos ng mga estudyante. Ang STS ang pumalit sa 23-taong Socialized Tuition and Financial Assistance Program o STFAP. Sinasabing layunin ng STS na matulungang makapag-aral ang mga estudyanteng kapos sa pinansiya. Ngunit, sa karanasan ng mga estudyante, ginagamit lamang ang mga iskema sa socialized tuition gaya ng STS at STFAP para hindi masakop ng mababang tuition fee ang maraming mag-aaral. Sa nasabing iskema, inilalagay sa mataas na bracket ang mga estudyanteng napatunayan umano na may kakayahang pampinansiya, at pinapatawan ng mas mataas na tuition fee. Sa huli, halos walang nakakapasa sa pamantayan ng UP na “mahirap.”

Sa kasaysayan ng UP, ginagawang katwiran ang mga socialized tuition scheme upang itaas ang matrikula. Mula sa P1,000 bawat yunit noong 2014, simula nang ipatupad ang STS, umakyat na sa kasalukuyang P1,500 bawat yunit ang binabayaran ng isang estudyanteng hindi nakakuha ng discount. Dahil sa pahayag ng iba’t ibang opisyal ng gobyerno na tila naglilimita sa pagkakaloob ng free tuition, maraming estudyante na rin ang nangangamba na tila too good to be true ang pangako ng administrasyon.

Meme mula sa Facebook page ni Alexia Fuentes

Sakop ba ng free tuition ang miscellaneous at other school fees

Ayon mismo kay Licuanan, hindi sakop ng free tuition policy ang iba pang dagdag na bayarin, na maaari pa ring singilin ng SUCs. Hindi biro ang mga bayaring ito. Halimbawa, mula 2011 hanggang 2014, umabot sa P103.277 Milyon ang nakolekta ng administrasyong UP sa mga estudyante mula sa miscellaneous at other school fees.

Free tuition = libreng edukasyon?

Bagaman isang malaking positibong hakbang ang pagkakaroon ng free tuition, hindi pa rin ito katumbas ng libreng edukasyon. Kaya noong Enero 27, nagmartsa patungong Mendiola ang daan-daang estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad para igiit ang libreng edukasyon. Para sa kanila, ang edukasyon ay isang karapatan na dapat tinamasa ng lahat ng kabataang Pilipino. Trabaho ng gobyerno na paaralin ang kanyang mamamayan. At dahil nasa ilalim ng pamamalakad ng gobyerno ang SUCs, nararapat lamang na pondohan ito at hindi na maningil ng matrikula sa mga estudyante.

Naghain din ang Kabataan Party-list ng Comprehensive Free Public Education Bill o House Bill 4800. Layunin ng panukala na ipagkaloob ang libreng edukasyon sa sa lahat ng pampublikong pamantasan sa bansa. Kabilang dito ang tuluyang pagbuwag sa tuition system, at pagsusuri sa mga paraan ng pangangalap ng pondo para sa SUCs. Iba ito sa konsepto ng pagbibigay subsidyo sa matrikula at iba pang bayarin. Narito ang mahahalagang sangkap ng comprehensive free public education:

  • Pipinansiyahan ang aktwal na halaga ng “cost of attendance” ng mga mag-aaral kasama na ang kabuuang halaga ng edukasyon ng bawat estudyante sa SUCs.
  • Isinasaalang-alang din ang karagdagang gastos mula sa personnel services, maintenance and other operating expenses (MOOE), at capital outlay.
  • Ang mga salik na nabanggit ang magdidikta ng pondong matatanggap SUCs mula sa gobyerno.
  • Ito rin ang magiging batayan ng ehekutibong sangay ng gobyerno sa paghahanda ng panukalang pambansang badyet kada taon.
  • Wala ito sa balangkas ng neoliberal na mga polisiya na naglalayong isapribado ang serbisyo ng edukasyon.

Kilos-protesta noong Enero 27 ng mga estudyante para sa libreng edukasyon. Kuha ni Micah Magaro/ AlterMidya.

More in Features

Mahal na gamot, imported rice & iba pang epekto ng RCEP

Altermidya.NetMay 11, 2017

‘Libreng edukasyon,’ o nakakamatay pa rin na tuition?

Micah MagaroApril 4, 2017

#OccupyBulacan and the anarchy in housing & urban development

Arnold PadillaMarch 16, 2017

PAKI-EXPLAIN: Terminasyon ng Peace Talks at ‘All-Out War’

Altermidya.NetFebruary 8, 2017

Utos ng DOLE, nasa likod ng ‘pang-aalipin’ ng sakada sa Luisita

Altermidya.NetJanuary 11, 2017

Revolutionary Heartland

Ilang-Ilang QuijanoDecember 31, 2016

Duterte & political prisoners: From amnesty to ‘trump card’

Altermidya.NetDecember 10, 2016

Despite ceasefire, civilians bear brunt of counter-insurgency ops

Altermidya.NetDecember 9, 2016

U.S. Aid: What’s the Catch?

Arnold PadillaOctober 18, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Name
Email *

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network