Features

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Graffiti sa Marawi City. (Larawan mula sa DavaoToday.com)
PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

“ISIS-inspired.” Sabi pa ng mga opisyal ng gobyerno, may direktang kaugnayan sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) ang magkahalong grupo ng Maute at Abu Sayyaf na umatake sa Marawi City, na dahilan ng pagsasailalim ng Mindanao sa batas militar.

Kaya mahalagang malaman: ano nga ba ang ISIS? Paano ito bumangon bilang internasyunal na teroristang grupo? At bakit ito diumano nakakaimpluwensiya sa mga grupo sa Pilipinas?

1. Paano nagsimula ang ISIS?

Ang pag-usbong ng ISIS ay direktang resulta ng okupasyon ng gobyernong US sa Iraq noong 2003. Sa paglaban ng mga mamamayang Iraqi sa okupasyon, sumulpot din ang mga grupong ekstremista. Isa na rito ang al-Qaeda. Ang mga mujahideen ng al-Qaeda, kabilang ang napatay na lider nitong si Osama bin Laden, ay unang sinanay at inarmasan ng Central Intelligence Agency noong dekada ’80, sa giyera ng Afghanistan laban sa Soviet Union na aktibong sinuportahan ng US.

Noong 2006, binuo ng mga lider ng al-Qaeda sa Iraq ang Islamic State in Iraq (ISI). Nagrekrut ito sa hanay ng mga Sunni, na may diskuntento sa pagmamalupit sa kanila ng gobyernong pinamumunuan ng mga Shiite na puwersahang itinayo ng mga Amerikano. Naakit din sila sa nasabing grupo dahil sa kawalang-trabaho dulot ng pagkawasak ng ekonomiya sa giyera. Ngunit maliit lamang ito na grupo noon, at sinasabing humina na nang husto nang mapatay ang mga lider nito noong 2010, at pinalitan ni Abu Bakr al-Baghdadi—na ngayo’y kinikilala bilang caliph o pinuno ng Islamic State.

2. Paano lumakas ang ISIS?

Sinunggaban ng ISI ang giyerang sibil na nagsimula sa Syria noong 2011 bilang oportunidad para magpalawak. Sumanib ang grupo ni al-Baghdadi sa al-Nusra Front, isang affiliate ng al-Qaeda, na lumalaban sa gobyerno ni Bashar al-Assad. Aktibong sinusuportahan ng gobyernong US ang pagpapatalsik kay Assad (na hindi nito kaalyado) upang makontrol ang Syria, na susi sa kontrol nito sa Gitnang Silangan.

Sa isang declassified US intelligence report noong 2012, lumalabas na kinilala ng Pentagon ang al-Qaeda sa Iraq at Syria bilang mayor na puwersang lumalaban sa gobyernong Assad. Inamin nitong sinusuportahan ng mga bansa sa Kanluran, Gulf states at Turkey ang oposisyon sa Syria. Ibinukas din nito ang posibilidad ng pagdedeklara ng isang “Salafist principality” o isang Islamic State.

Noong 2013, inulat ng CNN at Washington Post na sinimulan na ng Central Intelligence Agency (CIA)  ang pagpapadala ng mga armas sa mga grupong oposisyon sa Syria—kabilang dito ang al-Nusra Front at Free Syrian Army (FSA). Nasa $250 Milyon ang halaga ng ibinuhos nitong suporta. Maging ang mga ambulansya at firetruck, ibinigay ng CIA sa al-Nusra Front na sa kalaunan ay magiging ISIS.

Ibinulgar din ng investigative journalist na si Seymour Hersh ang isang highly classified na dokumento mula sa Senate Intelligence Committee hinggil sa sikretong kasunduan sa pagitan ng gobyernong US at Turkey noong 2012, kung saan tinutukoy ang isang “rat line,” o linya ng suplay ng armas mula Libya patungong Syria. Pinondohan umano ng Turkey, Saudi Arabi at Qatar ang operasyon kung saan ang CIA, sa pamumuno ng direktor nitong si David Petraeus, ay lumikha ng front companies sa Libya na nagpadala ng mga armas sa mga grupong oposisyon sa Syria.

Kagamitang pandigma ng US na napakasamay ng ISIS nang sumalakay ito sa Iraq noong 2014. (Larawan ng Reuters)

Inulat din ng Jane Defence Weekly na 995 tonelada ng armas ang palihim na ipinadala ng gobyernong US sa Syria noong Disyembre 2015, ayon sa artikulo ni Prof. Michel Chossudovsky, awtor ng mga libro sa terorismo at globalisasyon. Binanggit din niya ang mga ulat na nagmumula sa Bulgaria at Romania ang mga armas na ipinupuslit ng US sa Syria, sa mga rutang ibinigay ng mga kaalyado nitong bansa na Saudi Arabia, Jordan, Turkey at UAE.

Sinanay din ng mga tropang Amerikano ang mga grupong ngayon ay ISIS, sa mga kampo sa Jordan noong 2013, ayon sa mga ulat ng The Guardian at Der Spiegel.

Sinasabi ng US na mga “moderate” na grupong oposisyon sa Syria lamang ang sinusuportahan nito. Pero malinaw ang mga ulat na kabilang ang al-Nusra Front (al-Qaeda, na naging ISIS) sa mga sinanay at sinuplayan nito ng armas. Libu-libong kasapi rin ng “moderate” na FSA na inarmasan ng US ang kalauna’y sumanib sa ISIS. Katunayan, nang bumisita ang beteranong war journalist na si Robert Fisk sa isang abandonadong kampo ng ISIS, nakita niya roon ang mga magasin at dokumento ng FSA. Ayon sa isang koronel na nakapanayam ni Fisk:

“We never thought a Syrian would turn a gun against another Syrian but the Arab nations – Qatar, Saudi Arabia – they give them the money and ideology. This situation is very strange to us.”

(Kung tutuusin, halos kapareho ito ng sitwasyon sa Marawi City, kung saan sinasabi ng mga Maranao na hindi katutubo o “alien” sa kanila ang kaisipan ng grupong Maute-Abu Sayyaf.)

Noong 2014, kumalas ang al-Qaeda sa mga puwersa ni al-Baghdadi, na idineklara ang pagbubuo ng ISIS. Highly trained at marami nang armas ang mga mandirigma nito. Kaya nang tumawid ang grupo mula Syria patungong Iraq, madali nitong na-takeover ang apat na siyudad. Inabandona ng Iraqi Army ang kanilang mga poste—sinasabing dahilan ang kakulangan nito sa training at pagiging demoralisado dahil sa tuminding korupsiyon sa militar simula nang pasukin ng US private defense contractors. (Binuwag ng US ang dating Iraqi Army at bagong salta ang bumubuo sa sandatahang lakas ng Iraq, habang ang mga dating heneral at sundalo ay sumanib sa ISIS dahil na rin sa kawalan ng ibang oportunidad.) Dahil dito, napasakamay sa ISIS ang naturang mga kagamitang pandigma na iniwan ng US:

  • 2,300 Humvee armored vehicles
  • 40 M1A1 main battle tanks
  • 74,000 machine guns
  • 52 M198 howitzer mobile gun systems

Isang ulat ng Amnesty International noong 2015, kinumpirma nito na kalakhan sa mga armas ng ISIS ay gawa ng gobyernong US, na nagmula sa mga grupong oposisyon sa Syria at sa Iraqi Army.

“It’s a hell of an irony, isn’t it? We’re running across weapons that we gave these guys,” ayon kay retiradong US Army Col. Jack Jacobs, sa panayam ng CNBC.

3. Saan kumukuha ng pondo ang ISIS?

Sa kalakhan, sinusustine ang mga operasyon ng ISIS ng pondo mula sa pagbebenta ng langis na nakukuha sa mga teritoryo ng Iraq at Syria na okupado nito. Ayon sa ulat ng Associated Press, tinatayang $50 Milyon ang kinikita ng grupo kada buwan mula sa pagbebenta ng langis—tinatayang 30,000 barrels kada araw sa Syria, at 20,000 barrels kada araw naman sa Iraq. Dumadaan sa Turkey–kaalyadong bansa ng US–ang smuggled na langis na ito.

Ayon sa pag-aaral ng London Shipping Law Centre at Maritime Business Forum noong 2015, nakapagtayo ang ISIS na malawak na supply-chain network sa Turkey, at lumulusot ang langis sa terminal na pinapatakbo ng isang Turkish state company. Marami pang ibang ulat hinggil sa pagkakasangkot ng gobyernong Turkey sa smuggling ng ISIS ng langis. Mga kamag-anak pa umano ni Turkey Pres. Recep Tayyap Erdogan ang personal na nakikinabang sa nasabing ilegal na negosyo, ayon sa mga opisyal ng Russia.

Kahit alam nitong ang ilegal na pagbebenta ng langis ang bumubuhay sa ISIS, hindi kaagad na sinuway ng administrasyon ni dating US Pres. Barack Obama si Erdogan hinggil dito. Sa isang ulat ng New York Times noong 2014, inamin ng mga opisyal ng US na “sensitibo” masyado ang isyu. Noong Disyembre 2015 na lamang, matapos ang atake ng ISIS sa France, nagsalita si Obama hinggil sa umano’y pag-presyur nito sa Turkey na ipasara ang supply lines ng ISIS.

Naibulgar din sa isang e-mail kay State Secretary Hillary Clinton na alam ng US na nagbibigay sa ISIS ng suportang pinansyal at logistical ang gobyerno ng Saudi Arabi at Qatar–pero inilihim ito sa publiko at walang ginawa ang administrasyong Obama para suwayin ang mga kaalyado nito.

4. Sino ang lider ng ISIS?

Tanging public appearance diumano ni Abu Bakr al-Baghdadi, pinuno ng ISIS.

Si Abu Bakr al-Baghdadi, nom de guerre ni Ibrahim Awad al-Badri. Kaunti at hindi magkakatugma ang mga nalalaman hinggil sa kanya. Ayon sa Federal Bureau of Investigation, galing siya sa siyudad ng Samarra, at nadetine sa Camp Bucca, isang pasilidad ng US, noong 2004 bilang isang “civilian internee.” Pinakawalan din raw siya matapos ang ilang buwan.

May mga di-kumpirmadong ulat na nanatili siya ng hanggang limang taon sa nasabing kampo. Halos 90 porsiyento ng mga preso sa Camp Bucca, ayon sa Red Cross, ay arbitraryong dinampot ng mga tropang US. Sa mga ulat ng Mother Jones at Al-Jazeera, sinasabing ang Camp Bucca—kung saan walang komunikasyon ang mga presyo sa kanilang mga mahal sa buhay, at ikinulong nang walang proseso—ay naging pawang eskuwelahan ng mga ekstremista. Isinara ng US ang Camp Bucca noong 2009.

Sinasabi ng intelligence officials na isang Islamic scholar si al-Baghdadi. Pero mayroon ding mga nagsasabi na ang al-Baghdadi ay nom de guerre lamang ng maraming tao:

“We either arrested or killed a man of that name about half a dozen times, he is like a wraith who keeps reappearing, and I am not sure where fact and fiction meet…[It] may actually be several people using the same nom de guerre,” sabi ni Lieutenant-General Graeme Lamb, isang dating British special forces commander.

Ang kanyang unang public appearance ay noong Hulyo 2014, nang ideklara ang ISIS sa isang bidyo na in-upload sa Youtube. Si al-Baghdadi umano ang nagsasalita sa Great Mosque of al-Nuri sa Mosul, kung saan nagdeklara siya ng caliphate tinawag niya ang kanyang sarili bilang caliph. Bago ang bidyo na ito, ang tanging larawan ni al-Baghdadi ay ang mug shot habang nasa detensiyon sa Camp Bucca. Parehong kinumpirma at pinabulaanan ng mga opisyal ng Iraq na si al-Baghdadi nga ang nasa bidyo. Sa mga sumunod, pawang mga audio message na lamang ang inilalabas diumano ni al-Baghdadi. Ang huli ay noong Nobyembre 2016.

Sinabi kamakailan ni Pangulong Duterte na mismong si al-Baghdadi ang nag-utos ng pag-atake sa Marawi City. Pero kamakailan din, lumabas ang mga di-kumpirmadong balita na namatay na si al-Baghdadi sa isang opensiba ng US.

5. Ano ang pinaniniwalaan diumano ng ISIS?

Wahhabi-Salafi Islam ang kaisipang pinaniniwalaan diumano ng mga grupong ekstremista gaya ng ISIS. Nakaugat ito sa mga turo ng mga Islamic scholar na sina Ahmad ibn Hanbal (780-855) at Abd al-Wahhab (1704-1792), na ipinapanawagan ang pagbabalik sa pamamaraan ng sinaunang mga Muslim, at pagsunod sa istriktong interpretasyon ng Koran. Halimbawa, pinangunahan ni al-Wahhab ang pambobomba ng libingan ni Zayd ibn al-Khattab, isa sa mga kasamahan ni Prophet Muhammad, dahil hindi raw dapat sinasamba ang mga bagay. (Ang ganitong kaisipan rin ang diumano’y nasa likod ng pambobomba ng ISIS sa mga templo.) Noong 1744, nakipag-alyansa si al-Wahhab kay Muhammad ibn Saud, tagapagtatag ng First Saudi State. Sinasabing ang Wahhabi-Salafism bilang kaisipan ay lumaganap dahil sa alyansang ito sa makapangyarihang House of Saud, o naghaharing-uri sa Saudi Arabia—ang numero unong alyado ng US sa Gitnang Silangan.

Bandila ng Islamic State

Simula noong 1979, nang mayanig ang dominasyon ng Saudi Arabia sa rehiyon dahil sa pagtatayo ng Islamic Republic sa Iran at pananakop ng Russia sa Afghanistan, aktibong pinalaganap ng gobyernong Saudi ang Wahhabi-Salafism para konsolidahin ang impluwensiya nito sa mundo ng Islam. Nagtayo ito ng mga mosque, paaralang Islam, at nagpadala ng mga scholar sa iba’t ibang bansa para ipalaganap ang konserbatibong kaisipang ito.

Kalakhan ng mga Islamic scholar sa mundo ay tumutuligsa sa Wahhabi-Salafism. Sa Pilipinas, ang ganitong taliwas na interpretasyon sa mga aral at turo ng Islam ay “pambabaluktot” sa lehitimong pakikibaka ng mamamayang Moro, ayon sa Moro Christian People’s Alliance (MCPA). Paliwanag ng MCPA:

“Sila ang mga tinatawag na ekstremista o ang mga naniniwalang dapat ang Islam at mga Muslim ay ‘puro’ —tanging Islam ang dapat manaig na kaisipan sa buong mundo at ang mga Muslim ay hindi maaring mabuhay sa lipunang may iba’t ibang lahi at relihiyon. Dahil sa kanilang pamamaraan – pambobomba ng mga lugar ng mga sibilyan at pangingidnap, sila rin ay maituturing na mga terorista.”

Ang ISIS pa lamang ang grupong ekstremista na nagtangkang magdeklara ng isang caliphate—isang termino na signipikante sa kasaysayan ng Islam. Ang caliphate ay nangangahulugan ng pamumuno ng isang caliph—na ang ibig sabihin ay successor ni Prophet Muhammad. Noong medieval period pa huling nagkaroon ng mga mayor na Islamic caliphate.

Sinasabi ng mga security analyst na sa paggamit ng terminong caliphate at Islamic State, nais ng ISIS na saklawin ang buong mundo. At dahil natatalo na diumano ito sa Syria at Iraq, posibleng naghahanap ang grupo ng iba pang mga lugar kung saan pwede itong magdeklara ng teritoryo.

6. Ibig sabihin ba nito, nasa Pilipinas na ang ISIS?

Sa kabila ng sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno, walang ebidensya na mga mandirigma nga ng ISIS ang nakikipagbakbakan sa mga awtoridad sa Marawi City. Maraming eksperto ang nagsasabi na hindi totoong may kinalaman ang liderato ng ISIS sa lahat ng mga atakeng inaako nito. Inaako lamang umano ng grupo ang mga atake–gaya ng nangyari sa insidente sa Resorts World–para magkunwaring malakas at lumikha ng panic sa publiko. Pero ine-engganyo din umano ng ISIS ang mga indibidwal at grupo na magsagawa ng mga teroristang atake sa pangalan nito.

Lider ng ASG na si Isnilon Hapilon

Kaya ganito umano ang ginagawa ng lokal na mga grupong terorista, sa layuning makakuha ng pondo at basbas mula sa ISIS. Inihahayag ng militar na ang pinuno ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon ang itinalagang emir o lider ng ISIS sa Gitnang Silangang Asya. Pero mahalagang sipatin ang kasaysayan ng ASG. Isa ito sa mga grupong sinanay ng CIA kasama ng al-Qaeda noong dekada ’80. Katunayan, ipinangalan ito sa isang propesor na si Abdul Rasul Abu Sayyaf, gurong Afghan ng tagapagtatag ng ASG na si Abdurajak Janjalani, dating mandirigima ng Moro National Liberation Front (MNLF). Sa isang privilege speech ni dating Sen. Aquilino Pimentel Jr., tinawag nito ang ASG na “halimaw” (monster) ng CIA—gaya ng kung paanong tinitingnan ngayon ang ISIS bilang halimaw na likha ng gobyernong US dahil sa imperyalistang okupasyon nito sa Iraq at panghihimasok sa Syria.

At gaya rin ng kasaysayan ng pakikipagsabwatan ng CIA sa ISIS, may sariling kasaysayan ang mga awtoridad ng Pilipinas ng pakikipagsabwatan sa ASG. May isang teorya na binuo ang ASG ng isang paksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nais isabotahe ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at MNLF noong 1992. Isang ahente ng pulis at militar, si Edwin Angeles (na misteryosong namatay), ang umaming nag-infiltrate sa ASG bilang kanang-kamay ni Janjalani. Umano’y ang militar ang nagbigay ng mga sasakyan at armas na ginamit ng ASG sa malakihang reyd sa Ipil, Zamboanga Sibugay, na ikinamatay ng maraming sibilyan.

Sinasabi rin na ang mga operasyong bandido ng ASG sa Sulu at Basilan ay nasusustine dahil sa pakikipagsabwatan sa mga tiwaling lokal na opisyal ng gobyerno at militar. Noong 2002 Lamitan seige laban sa ASG, tatlong sundalo ang inirekomenda ng Senado na litisin dahil sa pagpapatakas diumano sa teroristang grupo.

Kung susumahin, pareho ang mga kondisyong humubog sa ISIS at lokal na mga grupong inspirado nito—desperasyon ng kanilang aping kalagayan, kaisipang ekstremista na pinalaganap ng mga naghaharing-uri sa mundo ng Islam, suportang materyal at pinansyal mula sa gobyernong US at mga kaalyado nito, at korupsiyon ng mga opisyal ng gobyerno.

Kaya’t narito man ang ISIS sa Pilipinas o wala, mananatili ang banta ng terorismo sa mundo hangga’t nananatili ang ganitong mga kondisyon. Malala pa rito, ginagamit ng US ang banta ng grupong tinulungan nitong likhain at palakasin para ikatuwiran ang panghihimasok nito sa iba’t ibang bansa–kabilang na ang Pilipinas–na sa kasaysayan ay lalo lamang nagdulot ng ibayong giyera at terorismo.

(Mababasa dito ang Part 1, o pagbabalik-tanaw sa mga kaganapan bago ang krisis sa Marawi City)

More in Features

Bakit may Kampuhan ng mga Moro at Katutubo sa UP campus?

Altermidya.NetSeptember 12, 2017

#ConfirmKaPaeng: Huling tulak para sa kalihim na maka-magsasaka

Bastin AdriasAugust 26, 2017

PAKI-EXPLAIN: Pagsibak ng CA kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo

Altermidya.NetAugust 16, 2017

Mine workers: Of broken promises to end ENDO

ContributionAugust 11, 2017

Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’

Bastin AdriasAugust 8, 2017

‘Beloved sons’ of Sta Cruz: Thousands flock plaza to honor NPA fighters

Altermidya.NetAugust 7, 2017

#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte

Altermidya.NetJuly 24, 2017

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

Altermidya.NetJuly 24, 2017

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network