Features

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 1)

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 1)

Bakit na Moro mula sa Marawi City at mga sundalong militar. Larawan ni Jaja Necosia/The Breakaway Media

Nang mag-umpisa ang bakbakan sa Marawi City, sinabi mismo ni Army Chief Lt. Gen.  Eduardo Año na walang ISIS (Islamic State in Iraq and Syria) sa Pilipinas, at na ang Maute Group ay isa lamang lokal na grupong nais magpapansin sa internasyunal na teroristang grupo.

“They were just a bunch of guns for hire, extortionists and bandits who wanted to be recognized as ISIS,” sabi ni Año.

Pero nang ideklara ni Pang. Rodrigo Duterte ang batas militar sa Mindanao, idinahilan ng gobyerno ang umano’y banta ng ISIS sa buong Mindanao, na posible umanong kumalat sa buong bansa. Agad na binawi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nauna nitong pahayag.

Ano nga ba talaga? May ‘ISIS’ ba sa Pilipinas? Gaano kaseryoso ang bantang ito? Anu-ano na ang mga naibalita—at saan nagmula ang mga balita—hinggil dito?

2. Sino ang Maute Group?

Ang grupong Maute, na itinayo ng magkapatid na Abdullah at Omar, ay mula sa kilalang pamilya sa Butig, isa sa pinakamahihirap na munisipalidad sa Lanao del Sur, kung saan rin matatagpuan ang Camp Bushra ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ayon sa Suara Bangsamoro, ang grupo ay nag-umpisa na dating mga miyembro ng MILF na nawalan ng tiwala sa liderato ng MILF sa tinahak nitong usapang pangkapayapaan. Kamag-anak ng mga Maute ang dating vice-chairman ng MILF na si Alim Abdul Aziz Mimbantas.

Tinatawag silang extremist ng mga lokal ng Butig dahil ayaw nilang magpapasok ng Kristiyano sa kanilang erya. Sa panayam ng Altermidya, sinabi ni Aida Ibrahim, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro-Northern Mindanao, na kilala ang Maute na “nagpapalaganap sa istriktong interpretasyon ng Islam,” ngunit hindi naman sinasaktan ang mga residente doon. Kasama si Ibrahim sa nagsagawa ng Fact-Finding Mission (FFM) sa Butig noong Pebrero 2016, una sa serye ng mga bakbakan sa pagitan ng Maute at AFP.

Ayon naman sa police intelligence report na inulat ng Vera Files, ang Maute Group ay isang private army ng mga pamilyang Maute, Romato, Mimbantas at Macadatu, pero nagpapapasok ng mga puwersa mula sa ibang armadong grupo.

2. Ano ang kaugnayan ng Maute Group sa ISIS?

Sa matinding operasyong militar na iyon noong Pebrero 2016—halos dalawang linggong artillery at air strikes—unang inugnay ng militar sa ISIS ang Maute, na umatake umano sa kampo ng 51st Infantry Battalion. Sinabi ng AFP na nakatagpo sila ng mga paraphernalia ng ISIS sa narekober na kampo ng armadong grupo.

Ngunit ayon sa Suara Bangsamoro, away sa halalan ang pinagmulan ng bakbakan, kung saan ginamit kapwa ang AFP at Maute ng magkaaway na mga kandidato sa pagka-alkalde. Sa ulat ng Security Reform Initiative na “The Battles(s) for Butig: Contextualizing the Maute Group,” inilahad na may alitan sa pagitan ni Farhana Maute, matriarch ng kanilang angkan, at ni Dimnatang Pansar, ang kasalukuyang mayor.

Sa ulat ng AFP, mahigit 60 Maute at limang sundalo ang namatay. Pinugutan rin daw ng ulo ang isang corporal.

Nasira sa bakbakan ang mga kabahayan at taniman ng libu-libong residente ng Butig na nagbakwit. Nakapagtala rin ang Suara Bangsamoro ng mga pang-aabusong militar, kabilang ang detensyon at tortyur ng 21 at 16 anyos na magkapatid (itinago ang kanilang identidad para sa kanilang kaligtasan). “Pilit silang pinaamin na sila ay ISIS,” sabi ni Ibrahim.

Magkapatid na residente ng Butig, pilit umanong pinaaamin ng militar na ISIS noong Marso 2016. Larawan mula sa Suara Bangsamoro

Sa tantiya noon ni Col. Roseller Murillo, kumander ng 103rd Infantry Brigade ng 51st IB, nasa mahigit 100 ang kasapian ng Maute.

Noong Abril 2016, muling sumulpot ang grupo nang dukutin nito ang anim na sawmill operators sa Butig. Pinalaya ang apat, pero dalawa umano ang pinugutan ng ulo. Naglabas ng eksklusibong litrato ang Rappler ng diumano’y pagpugot sa ulo ng dalawang manggagawa, “ISIS-style.” Dito rin unang tinawag ng AFP ang Maute Group na Dawlah Islamiyah o Islamic State in Lanao.

Noong Mayo 2016, muling naglunsad ng opensibang militar sa Butig. Nagpapasok ang AFP ng mga mamamahayag sa diumano’y tatlong kampo ng Maute na kanilang narekober. May bandila ng ISIS at ilang pampasabog. Bagama’t sinabi ng Philippine Army na 54 na Maute ang kanilang ang napatay, wala silang narekober na bangkay. Apat na sundalo naman ang namatay.

Lumabas sa social media ang litrato ng diumano’y paglahok sa labanan ng mga tropang Amerikano na naka-disguise bilang Scout Rangers. Narito ang post ni Drieza Lininding, bise-presidente ng Bangsamoro Movement for Peace and Development, at residente ng Marawi City, hinggil dito:

 

Screengrab mula sa Facebook post ni Drieza Abato Lininding

Noong Agosto 2016, nilusob ng Maute Group ang provincial jail sa Marawi City para palayain ang walo nilang miyembro. Sa ulat ng BBC, isang military source ang nagsabing “hinayaang makatakas” ang grupo.

Dito rin sinimulang iulat ng SITE Intelligence Group na “inako” raw ng ISIS pamamagitan ng kanilang Amaq News Agency ang nasabing jail break.

(Ang SITE Intel ay isang kumpanyang naka-base sa US na nagmo-monitor ng midya at propagandang inilalabas ng mga grupong jihadist. Madalas na ginagamit ang kanilang serbisyo ng mainstream Western media, bagaman kuwestiyunable, ayon sa mga kritiko, ang paglabas nito ng mga bidyo bago pa man ilabas ng mismong mga terorista, at diumano’y peke pa ang iba. Malaki umano ang papel ng SITE Intel sa paglikha ng opinyong publiko sa US na pabor sa giyera.)

Noong naganap ang pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2, 2016; agad itong inako ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang panayam sa radyo; ngunit sa parehong araw, binawi nila ito at sinabing isang “kaalyado” nilang grupo ang may kagagawan.

Sa ulat ng Rappler tatlong araw matapos ang pambobomba, binanggit nito na isa ang Maute Group–na kilala rin daw bilang Daulah Islamiyah, alinsunod sa unang binanggit ng AFP–sa “posibleng” nasa likod ng pambobomba. Signipikante raw ang Enero 2016 na bidyo ng pagdeklara ng allegiance sa ISIS ni Isnilon Hapilon, lider ng ASG, at apat na grupo na umano’y nagtalaga sa kanya bilang “emir.”

Isang buwan matapos ang pambobomba, pinresenta ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa midya ang tatlong suspek. Miyembro raw sila ng Maute Group, na nakipagtulungan umano sa ASG para isagawa ang pambobomba sa Davao City.

Bago nito, walang rekord ang Maute ng pagkakasangkot sa mga akto ng terorismo nang labas sa Butig o Marawi City.

Noong Oktubre 25, naglabas ang Institute for Policy Analysis of Conflict (IPAC) ng ulat na “Pro-ISIS Groups in Mindanao and their Links to Indonesia and Malaysia.” Sa ulat na ito, tinawag ang Maute Group na:

“smartest, best-educated and most sophisticated members of all of the pro-ISIS groups in the Philippines.”

Sinabi pa ng IPAC na “importante” ang Pilipinas, na kinikilala umano ng liderato ng ISIS bilang sentro ng ekstensiyon ng mga operasyon nito sa Timog Silangang Asya, sa gitna ng pagkatalo ng ISIS sa Syria at Iraq. Pinalutang din ng IPAC na ang Maute Group ay nagsimula bilang Khilafah Islamiyah Movement (KIM)—batay sa “email exchange” sa isang di-pinangalanang security officer. Bago nito, kinokonsidera na ibang grupo ang KIM, na responsable sa iba’t ibang atake simula 2012.

Ang IPAC, naka-base sa Jakarta, ay grupo ng security experts na pinangungunahan ni Sidney Jones, dating nagtrabaho para sa Ford Foundation at Human Rights Watch. Inulat ng internasyunal na midya ang ulat na ito ng IPAC bilang indikasyon ng banta ng pagbangon ng ISIS sa Pilipinas. Lumabas din ang ilang analysis na sa ganitong sitwasyon, hindi makakabuti ang pahayag ni Duterte na paaalisin ang mga tropang Amerikano sa bansa:

“Without US encouragement and support in intelligence and training, sources familiar with the situation say the Philippines will have a difficult time tackling the sort of scenario Jones describes,” ayon sa ulat ng South China Morning Post.

Sa panahon ding ito, sinabi ni dating US ambassador Philip Goldberg na nais ng US na manatiling aktibo sa giyera kontra sa terorismo sa Pilipinas dahil sa umano’y lumalaking presensiya ng ISIS dito.

“We are concerned obviously about any new intrusion of ISIS or any other group that wants to take advantage of open space in the south of the Philippines. So we want to continue doing that,” sabi ni Goldberg.

Noong Nobyembre 2016, 50 hanggang 100 miyembro ng Maute umano ang muling sumalakay sa Butig. Halos 16,000 katao o 90 porsiyento ng populasyon ang lumikas sa labanan.

Nasa 61 na miyembro ng Maute at 30 sundalo ang namatay sa labanan. Ayon sa AFP, halos na naubos na nila ang grupo:

“They have been decimated. The capability to sustain and get back to the fight is no longer there,” ayon kay AFP spokesperson General Restituto Padilla.

Pero ayon sa Butig municipal peace and order council, nasa 22 lamang ang casualty sa Maute.

Naglabas ang AFP ng litrato ng pagtataas ng Maute Group ng bandila ng ISIS sa lumang gusali ng munisipyo. Ngunit hindi nakita mismo o independyenteng na-verify ng mga mamamahayag ang insidente.

Bumisita si Pangulong Duterte sa Butig noong panahong ito. Ngunit bago dumating ang pangulo, inambus ng mga kalaban ang convoy ng Presidential Security Group. Ngunit lumabas din ang balita na “peke” ang nasabing ambush. Ayon sa mga residente, mga militar lamang ang nagpaputok, at natamaan pa ang kanilang mga bahay.

Sa Butig, galit na galit na nagbanta si Duterte laban sa mga terorista; sinabihan raw siya ng intelligence community na may kaugnayan ang grupo sa ISIS. Ito naman ang sabi ni Lorenzana sa midya:

“It seems that there is a link between the two because the Maute Group sometimes show the ISIS flag.”

Samantala, habang nagaganap ang bakbakan sa Butig, isang hindi sumabog na IED ang umano’y natagpuan sa harapan ng US embassy. Noong sumunod na buwan, ipinresenta ng Philippine National Police ang mga suspek bilang miyembro ng Maute Group—at diumano’y “ebidensya” ng presensiya nito sa Metro Manila.

Fighter jets na ginamit ng AFP sa pagsalakay sa Maute Group sa Butig noong Enero 27. Screengrab mula sa Inquirer.net

Noong Enero 2017, muling sinalakay ng AFP ang Butig, gamit ang bagong mga FA-50 fighter jets. Ang dahilan? Umano’y lumipat si Hapilon sa Central Mindanao sa utos ng ISIS, na ayon kay Lorenzana ay balak magtayo ng wilayat (probinsya) at “direktang” kumokontak sa ASG:

“Basilan and Jolo are too small. Madali silang maipit doon, so they are looking for a bigger area.”

Sa panayam ng Altermidya, ipinagtaka ni Datu Jerome Succor Aba, tagapangulo ng Suara Bangsamoro, kung paano nakalusot si Hapilon sa mahigit-kumulang 8,000 sundalo na naka-deploy doon. Matatandaan na noong 2002 Lamitan seige laban sa ASG, tatlong sundalo ang inirekomenda ng Senado na litisin dahil sa pagpapatakas at pakikipagsabwatan diumano sa teroristang grupo.

Sa kabila ng matinding opensibang militar sa Butig noong Enero, nakatakas pa rin ang sugatang lider ng ASG. Sa iba’t ibang ulat ng midya, detalyadong isinalarawan ng AFP ang pagkakatakas ni Hapilon: “bitbit ng apat na katao sa stretcher”, “nakaubos ng tatlong dextrose,” at “ilang beses na hinimatay.”

Ayon kay Maj. Gen. Carlito Galvez Jr., kumander ng Western Mindanao Command, tumutulong sa intelligence gathering ang mga tropang Amerikano. May barracks ang US Army sa loob ng Camp Ranao sa Marawi City. Itinanggi niyang lumalahok sila sa operasyon.

3. Gaano ka-totoo na balak magtayo ng ISIS ng probinsya o wilayat sa Mindanao?

Sa serye ng mga panayam sa Rappler, nagbababala simula pa noong 2016 hinggil dito ang “terrorism expert” na si Rohan Gunaratna, hepe ng International Centre for Political Violence & Terrorism Research na naka-base sa Singapore. Sinabi pa ni Gunaratna na ang dalawang pagsabog sa Quiapo noong Mayo (na sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay dahil sa away-pamilya), ay gawa ng ISIS. (Ito rin ang sinabi ng SITE Intel, na siya ring nagsabi na ang atake sa Resorts World ay gawa ng ISIS, bago pa man ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya na nagpapahiwatig na hindi). Balak pa umanong umatake ng ISIS “sa Maynila at iba pang mayor na siyudad” sa panahon ng Ramadan, ayon kay Gunaratna noong Mayo.

Pero bagamat awtor ng mga libro sa terorismo, kuwestiyonable ang kredibilidad ni Gunaratna, ayon sa imbestigatibong ulat ng The Age sa Australia. Masyadong “sensational” umano ang mga pahayag ni Gunaratna, na madalas nakabatay sa unidentified sources mula sa intelligence community, sa ilang pagkakataon ay napatunyang mali, at posibleng ginagamit ng mga gobyerno para sa kani-kanilang agenda.

May ibang security expert na naniniwalang hindi mabigat ang ebidensyang balak ng ISIS magtayo ng probinsya sa Mindanao and Enero 2016 na bidyo ng diumano’y pagtatalaga kay Hapilon na “emir” at pagsasama-sama ng mga grupong pro-ISIS.

Grupong Maute na sumalakay sa Marawi City. Larawan ni Atty. Maki Datu-Ramos

Sa ulat na “The Islamic State in the Philippines: A Looming Shadow in Southeast Asia?” ni Peter Chalk ng RAND Corporation noong Marso 2016, sinabi nito na ang atensiyon ng paglawak ng impluwensiya ng ISIS ay nakasentro sa Indonesia at Malaysia, mga bansa na may Muslim majority.

Bagaman nakakabahala umano ang mga ulat ng pagdeklara ng suporta sa ISIS ng mga grupo sa Pilipinas sinabi ni Chalk na “unlikely” na magtayo ang ISIS ng sentro sa Pilipinas. Nagbanggit siya ng 5 dahilan:

  1. Maliliit at walang depinidong istrukturang pang-organisasyon ang mga grupong ito para magsagawa ng sustenidong mga akto ng karahasan (Editor’s note: Bago ito ng Davao bombing, na sinasabi ng IPAC na susing ebidensya ng kanilang unified na operasyon);
  2. Mas kilala ang mga grupong ito sa pagiging bandido, taliwas sa pangangailangan ng isang epektibo at nagkakaisang jihadist fighting force;
  3. Napaliit na nang husto ang ASG at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at hindi posibleng lumampas sa lokal nilang mga teritoryo sa Mindanao, lalo na at walang suporta sa ISIS ang mas malaking Moro Islamic Liberation Front;
  4. Walang ebidensya na ang mga Pilipino na posibleng lumaban kasama ng ISIS sa Gitnang Silangan ay bumalik sa Pilipinas at aktibong nagrerekrut;
  5. Maraming komunidad ng Muslim sa Silangang Mindanao ang walang akses sa internet, gayong pangunahing online ang rekrutment ng ISIS.

Ebidensya rin umano ng plano ng ISIS na magtayo ng probinsya sa Pilipinas ang bidyo na inilabas noong Hunyo 2016 ni Mohd Rafi Udin, isang Malaysian extremist na diumano’y nasa Syria, kung saan sinabi niyang:

“If you cannot go to (Syria), join up and go to the Philippines.”

Nagpakita rin sa bidyo ng tatlong lalaking diumano’y pinapatay, pero hindi malinaw kung sino at nasaan ang mga ito. Hindi rin independenteng ma-verify ng Reuters ang bidyo, na binigay ng isang source sa military intelligence.

Sinasabi naman ng ibang security experts na hindi porke’t nagdeklara ng allegiance ang isang grupo sa ISIS ay bahagi na ito, o tumatanggap ng pondo at pagsasanay, mula sa ISIS:

“It’s really important for now that we distinguish Maute as not yet an ISIS affiliate, but rather someone who is ascribing themselves to the ISIS,” sabi ni National Security Council senior consultant Ashley Acedillo, sa panayam ng ANC.

Ayon sa isang ulat ng US Congressional Research Service noong Hunyo 2016, narito lamang ang mga bansang may signipikanteng presensiya ng ISIS at kanilang affiliates at may deklaradong probinsya: Iraq, Syria, Libya, Egypt, Algeria, Nigeria, Yemen, Saudi Arabia, Afghanistan, Pakistan, at rehiyon ng Caucasus.

Kinikilala na ang mga teroristang atake sa ibang mga bansa ay “ISIS-inspired lamang.

Pero noong Agosto 2016, naglabas ng “heat map” ang National Counter-Terrorism Center (NCTC) ng gobyernong US, na sinasabing mayroong “aspiring branches” ang ISIS sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Indonesia at Pilipinas.

Kung susumahin, ang tanging ebidensya ng pagkakaroon ng “ISIS sa Pilipinas” ay ang mga bidyo ng deklarasyon ng mga lokal na armadong grupo ng allegiance sa ISIS, at mga akto ng terorismo na hindi pa malinaw kung may direktang kaugnayan ba sa ISIS o pawang inspired lamang ng grupo. Pero ang banta ng pagbangon ng ISIS sa Pilipinas ay itinatambol ni Defense chief Lorenzana (sa kabila ng taliwas na naunang pahayag ng AFP), ng unidentified intelligence sources, ng gobyernong US, at mga kumpanya at grupo ng monitoring at analysis ng terorismo na naka-base sa US o pinamumunuan ng mga indibidwal na may kaugnayan sa gobyerno o interes ng US.

Pero ano nga ba ang ISIS? Ano ang kinalaman ng US sa pagbangon nito? Abangan sa Part 2.

More in Features

PAKI-EXPLAIN: Pagsibak ng CA kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo

Altermidya.NetAugust 16, 2017

Mine workers: Of broken promises to end ENDO

ContributionAugust 11, 2017

Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’

Bastin AdriasAugust 8, 2017

‘Beloved sons’ of Sta Cruz: Thousands flock plaza to honor NPA fighters

Altermidya.NetAugust 7, 2017

#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte

Altermidya.NetJuly 24, 2017

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

Altermidya.NetJuly 24, 2017

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Altermidya.NetJune 25, 2017

Anong mali sa pakikialam ng tropang US sa Marawi City? Marami.

Micah MagaroJune 22, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network