#LetsTalkPeace

PAKI-EXPLAIN: Terminasyon ng Peace Talks at ‘All-Out War’

Ang magkabilang panig sa katatapos lamang na third round ng peace talks sa Rome, Italy (Photo by Rhea Padilla/AlterMidya)
PAKI-EXPLAIN: Terminasyon ng Peace Talks at ‘All-Out War’

Ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang isa sa mga nagdala ng good vibes sa bagong administrasyon. Nagkaroon ng pag-asa para sa tunay na pagbabago, dahil kung mapagkakasunduan ang mga repormang kailangan para masugpo ang ugat ng kahirapan, hindi na kailangang mag-aklas ng mga mamamayan.

Pero noong gabi ng Pebrero 4, inanunsyo ni Pang. Rodrigo Duterte ang kanselasyon ng peace talks. Kahapon, nagbigay na ng formal notice ang GRP negotiating panel sa NDFP hinggil sa terminasyon ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at peace talks:

Agad-agad ding nagdeklara si Defense Secretary Delfin Lorenzana ng “all-out war” laban sa NPA. Ito ay sa kabila ng matagumpay na pagtatapos ng ikatlong round ng peace talks noong Enero. May nakatakda pa sanang negosasyon para sa bilateral ceasefire sa Pebrero 22-27, at ika-apat na round ng pormal na peace talks sa Abril 2-6.

Bakit ipinapatigil ni Pang. Rodrigo Duterte ang peace talks?

Inanunsiyo ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Pebrero 1 na tatapusin na ng NPA ang unilateral ceasefire nito sa Pebrero 10. Matagal na itong babala ng NDFP dahil sa mga paglabag ng AFP–bagama’t sinasabi na dapat magpatuloy pa rin ang peace talks sa kabila ng napipintong pag-angat ng ceasefire.

Ayon sa CPP, hindi sinunod ang tigil-putukan ng AFP, na patuloy umanong nagsasagawa ng mga opensibang militar sa kanilang mga teritoryo. Nagmamaniobra lang daw ang mga gerilya para makaiwas sa armadong labanan. Patunay anila ang paglusob ng AFP sa kampo ng NPA sa Makilala, North Cotabato—habang nagaganap ang peace talks—na ikinamatay ng isang gerilya. Noong Enero 26, 50 sundalong militar din umano ang sumalakay sa NPA sa Brgy. Taguranao, Matalam, North Cotabato.

Patuloy rin daw ang pananakot at pambubulabog ng AFP sa mga sibilyan sa 500 baryo na nasasakupan ng NPA. Nagkakampo ang AFP sa mga kabahayan, barangay hall, day care center, at iba pa, habang hina-harass at sinasaktan ang mga pinaghihinalaang supporter ng NPA. May testimonya ang ilang mga sibilyan sa ulat na ito:

Noong araw ding iyon, inanunsiyo ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng CPP, ang agad na pagpasok ng lahat ng yunit NPA sa active defense 

“upang kontrahin, biguin, at parusahan ang mga yunit ng AFP at PNP, CAFGU, na nagpapatrolya sa mga sonang gerilya…pati na ang mga opensibang operasyong nagpapanggap na anti-droga at anti-krimen na pawang lumalabag sa karapatang tao.”

Ibig sabihin, kung nasa opensibang posisyon ang AFP at may utos ang NPA na dumepensa, tiyak na magkakaroon ng mga labanan. At iyon na nga ang naganap sa susunod na mga araw.

Noong Pebrero 3, inihayag ni Ka Oris na may 20 aksiyong militar ang isinagawa ng NPA bilang “active defense” o pagdepensa sa mga nag-o-operasyong puwersa ng AFP.

Noong gabi ring iyon, inutos ni Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tapusin na rin ang unilateral ceasefire laban sa New People’s Army (NPA). Kinabukasan, inanunsiyo na niya ang kanselasyon ng peace talks.

Ang kanyang dahilan? Hindi umano “resonable” ang kahilingan ng NDFP na palayain ang 400 na bilanggong pulitikal. Idinahilan din niya ang pagpatay ng NPA sa mga sundalo bago ang pag-atras ng kanilang ceasefire. Ipagpapatuloy lamang daw ang peace talks kung may “compelling reason” o malakas na dahilan para dito.

Ano ang tugon ng NDFP at CPP-NPA?

Gusto ng CPP-NPA-NDF na ipagpatuloy ang peace talks—kahit sa ngayon ay wala na silang magagawa dito. Tinanggap na ng NDFP negotiating panel ang pormal na terminasyon ng peace talks mula sa GRP. Alinsunod sa mga kasunduan, magkakaroon lang ito ng bisa matapos ang 30 araw.

Si Duterte pa lamang ang pangalawang pangulo na nag-terminate ng peace talks—una si dating pangulong Joseph Estrada. Hindi pa kailanman pinangunahan ng NDFP ang terminasyon ng usapang pangkapayapaan. Iginigiit ng NPA na ang mga insidente ng pagpatay sa mga sundalo ay mga depensibong aksiyon sa mga opensibang inilulunsad ng AFP, at hindi paglabag sa sarili nilang ceasefire.

Halimbawa ang insidente noong Pebrero 1 sa Brgy. Lambog, Manay, Davao Oriental, kung saan namatay si 2LT. Miguel Victor Alejo ng 67th Infantry Battalion. Ayon sa 10th Infantry Division, nagpunta sa nasabing liblib na barangay ang mga pulis at sundalo dahil nakatanggap sila ng impormasyon na “tinatakot at hina-harass ng isang armadong grupo ang mga residente, na pinupuwersang magbakwit.”

Ayon naman sa NPA, nagkaroon ng labanan dahil aktibo silang tinutugis ng 67th IB, na unang nagpaputok kahit pa nagmamaniobra na sila para makaiwas. Dalawang magsasaka pa umano ang pinatay ng mga sundalo matapos ang engkwentro. Nasa 2,422 pamilya ang nagbakwit dahil sa insidente.

Inilinaw din nila na armado at nagsasagawa ng counter-insurgency operations ang tatlong sundalo ng 8th Infantry Battalion na namatay sa Malaybalay, Bukidnon. Tinangka raw ng mga ito na magpaputok nang harangin sa checkpoint ng NPA. Noong nakaraang taon pa umano nakakampo ang 8th IB sa lugar at aktibong naghahanap ng mga NPA sa pamamagitan ng pagpupuwersa sa mga sibilyan na maging guide.

Ayon kay Fidel Agcaoili, NDFP chief negotiator, “nagtagumpay” sa ngayon ang mga puwersang sumasabotahe sa peace talks: tinukoy niya ang AFP, gobyernong US, at economic team na nagtutulak ng mga dati nang polisiyang neoliberal na taliwas sa mga panukalang reporma ng NDFP. Hindi na rin daw bago ang “all-out war” para sa rebolusyonaryong kilusan, at handang humarap dito. Gayunpaman, bukas umano ang pinto ng NDFP anumang oras para sa panunumbalik ng peace talks.  Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga mamamayan sa “all-out war”:

Hindi na ba pwedeng mag-usap kung walang ceasefire?

Pwede. Hindi magkasingkahulugan ang ceasefire at peace talks. Tinuturing lamang na isang goodwill measure ang pagkakaroon ng ceasefire. Katunayan, sa kasaysayan ng peace talks mula 1986, mas malaking bahagi ang nag-uusap habang may labanan (talking while fighting).

Maraming kasunduan ang napirmahan kahit walang ceasefire. Kabilang dito ang 1992 The Hague Declaration, JASIG noong 1995, at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL noong 1998.

Para sa NDFP, ang kanilang ceasefire ay bilang pagsukli sa pangako ng GRP ng pagpapalaya sa political prisoners. Sa kabila ng walang pagpapalaya at hindi umano pagtupad ng GRP sa sarili nitong ceasefire, tumagal ang kanilang ceasefire ng limang buwan, ang pinakamahaba na nito sa kasaysayan.

Para naman sa GRP, ang kanilang ceasefire ay tuntungan para itulak ang bilateral ceasefire sa negosasyon—at iyon na nga ang dapat pag-uusapan ng magkabilang panig, bago kinansela ang usapang pangkapayapaan.

Hindi na ba pwedeng mag-usap kung hindi pinapalaya ang political prisoners?

Pwede pa rin. Sinabi ng CPP-NPA-NDFP na ang hindi pagpapalaya sa political prisoners ang isa sa mga dahilan ng pag-atras sa kanilang ceasefire. Pero hindi nila ito ginawang rekisitos sa pagpapatuloy ng peace talks, na mayroong nakasalang na mas mahalagang adyenda: ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), o ang mga repormang panlipunan na lulutas sa mga problema ng bansa.

Optimistiko pa nga ang dalawang panig na posibleng matapos panukalang CASER ngayong taon. Laman nito ang tunay na reporma sa lupa, mas mataas na sahod ng mga manggagawa, pagtatayo ng mga pambansang industriya, at iba pa.

Sa kabilang banda, sinabi ng pangulo na “wala nang pag-uusapan” kung palalayain niya ang mahigit 400 political prisoners. Itinanggi rin ng pangulo na nangako siyang palalayain ang lahat ng political prisoners.

Malinaw ang kanyang mga pahayag noong kakaupo pa lamang sa Malakanyang hinggil sa pagpapalaya sa lahat ng political prisoners. Pero maging ang kanyang pangako na palalayain ang matatanda at may-sakit na mga bilanggo bago mag-Pasko:

“There is no point of detaining a person who is old and sick. I find it very awkward feeling. I’m uncomfortable. So all the elderly, ailing, you can go.”

ay hindi na rin natupad.

Bakit tinawag ni Duterte na “terorista” ang NPA?

Ang pahayag na ito ni Duterte:

“From now on I will consider the CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front) a terrorist group.”

ay pagbaligtad sa nauna nitong mga pahayag na kumikilala sa CPP na may rebolusyonaryong gobyerno, gaya nito:

“I am encouraging people in government, the military and the police to be friendly with the forces of the revolutionary government of the Communist Party of the Philippines.” (August 25, 2016)

O kumikilala sa ugat ng rebelyon, gaya nito:

“You rebel because you want a better setup or a better life for the people.” (August 1, 2016)

O sumusuporta pa nga sa mga programa ng NDFP:

“What [Joma] Sison is after, I am after that also. We have a common program for action: real and national independence and territorial integrity, democratic empowerment of the working people –I want that also. Economic development through national industrialization, I want that too.” (December 28, 2014)

Noon lang Enero, inirekomenda pa ng GRP sa gobyerno ng Amerika na tanggalin si Prof. Jose Ma. Sison sa kanilang listahan ng mga “terorista.” Ito’y dahil ang peace talks ay kumikilala sa NDFP bilang isang belligerent force—ibig sabihin, isang puwersang may sariling programang pulitikal, hukbo, teritoryong sinasakupan, at gobyerno. Wala namang kasaysayan at patakaran ang GRP ng pakipag-negosasyon sa mga “terorista.”

Ano ang nagbago? Umm…ewan. Ikinagulat din ito ng marami:

Pero malamang, bilang kanilang commander-in-chief, pinaniwalaan na ni Duterte ang AFP na noon pa man ay “communist terrorist” na ang tawag at pagtrato sa mga NPA. Sang-ayon ito sa ginagawa ng gobyernong US na pagbansag na “terorista” sa mga gobyerno at liberation movements sa iba’t ibang bansa na nagtutulak ng pambansang soberanya.

Ano ang maaasahan sa “all-out war” laban sa NPA?

Siyempre, hindi ang inaasam ng marami na kapayapaan. Gaya rin ng dating mga “all-out war” na inilunsad ng nagdaang mga gobyerno—malamang ay mga ordinaryong sibilyan at aktibistang hindi armado, ngunit inaakusahang NPA, ang tatamaan dito. Simula noong umupo sa puwesto si Duterte, at kahit noong may peace talks pa, 14 lider ng mga magsasaka at environmental activists ang pinatay ng hinihinalang mga sundalo at kanilang mga paramilitar at death squad; 16 naman ang biktima ng frustrated killingsPinakahuling pinatay ang lider-Lumad na si Renato Anglao.

Tuloy din ang pag-aresto at pagpapakulong sa gawa-gawang mga kaso ang mga aktibista at NGO worker na inaakusahang NPA, gaya ng guro sa paaralang Lumad sa Mindanao na si Amelia Pond, at kahapon lamang, si Rogina Navarro Quilop ng Center for People’s Resources and Services sa Negros:

Ang mga paglabag na ito sa karapatang pantao ay inaasahang dadami sa ilalim ng “all-out war.”

Kaya marami ang nananawagan kay Pangulong Duterte na ituloy ang peace talks:

Click to add a comment

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply

#LetsTalkPeace

More in #LetsTalkPeace

Five reasons why the current peace talks are ‘unprecedented’

Altermidya.NetApril 8, 2017

Timeline ng GRP-NDFP Peace Talks

Altermidya.NetFebruary 23, 2017

‘Echo trumpets of peace, not war’ –peace talks observer

Altermidya.NetFebruary 9, 2017

Termination of peace talks ‘unfair,’ ‘unjust’ –NDFP

Altermidya.NetFebruary 9, 2017

NPA: 3 soldiers in Bukidnon armed; conducting counter-insurgency ops

Altermidya.NetFebruary 7, 2017

‘First achievement of 3rd round’: Parties sign supplemental guidelines of Joint Monitoring Committee

Altermidya.NetJanuary 21, 2017

Let’s Talk Peace (Episode 5): Why political prisoners have to be freed

Altermidya.NetDecember 14, 2016

Let’s Talk Peace (Episode 3): ‘Revolution Go’

Altermidya.NetAugust 20, 2016

Let’s Talk Peace (Episode 2): Political prisoners as freedom fighters

Altermidya.NetAugust 19, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Name
Email *

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network