News

Bakwit sa Mindanao: ‘Itigil na ang air strikes, ihinto ang Martial Law’

Nakapaskil sa evacuation center sa Iligan City ang mga kahilingan ng mga bakwit ng Marawi kay Pang. Duterte. Larawan mula sa Kalinaw Mindanao
Bakwit sa Mindanao: ‘Itigil na ang air strikes, ihinto ang Martial Law’
Azlie Ann Villahermosa

“ANG MAGING ISANG BAKWIT ang pinakamatinding epekto ng batas militar,” sambit ng isang 26-taong gulang na lalaking bitbit ang dalawang maliliit na anak sa evacuation center sa Bgy. Baraas, Iligan City.

Ibinahagi ng mga delegado ng National Humanitarian Interfaith Mission (NHIM) ang kuwento ng amang ito at ng marami pang bakwit (o evacuees) sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Naglunsad ng dalawang forum noong Hunyo 20 at 22 sa Quezon City ang mga organisasyong lumahok sa NHIM para iulat ang kanilang nasaksihan sa Mindanao.

Isinagawa noong Hunyo 13-16, nagpunta ang mga miyembro ng NHIM sa apat na lugar sa Mindanao para alamin ang kalagayan at mga pangangailangan ng mga bakwit na lumikas sa gitna ng mga operasyong militar at pagdeklara ng Martial Law. Ang mga lugar na nabisita nila ay ang Marawi, Maguindanao, Davao del Sur, at North Cotabato.

Pinangunahan ng grupong Kalinaw Mindanao, isang faith-based network, ang NHIM. Lumahok dito ang halos 400 volunteer mula sa iba’t ibang organisasyon, kasama ang ilang delegado mula sa University of the Philippines-Diliman.

“Karamihan sa mga Maranao na nakapanayam namin ang nagpahayag ng pagtutol sa Martial Law. Lahat sila ay tutol sa aerial bombing na nangyayari sa mga komunidiad nila,” sabi ni Jo Florendo Lontoc ng UP System Information Office na lumahok sa NHIM.

Ininterbyu nina Lontoc at iba pang delegado ng UP ang mga bakwit sa Brgy. Baraas sa Iligan City, Lanao del Norte; at sa Brgy. Pawak at Pendulunan sa munisipalidad ng Saguiaran, Lanao del Sur na kalapit na bayan ng Marawi City. Dito lumikas ang maraming pamilya mula sa Marawi nang magsimula ang labanan sa pagitan ng Armed Forces (AFP) at Maute Group noong Mayo 23.

Dagdag pa ni Lontoc, hindi pa agad lumikas ang ilang residente. “Napilitan lang silang magbakwit nang magsimula na ang aerial strikes ng military,” aniya.

Paliwanag ng isa pang delegado mula sa UP, si Felix Pariñas ng All-UP Workers Alliance, tutol ang karamihan ng mga residente sa Martial Law dahil dama nila ang “pagkawala ng kalayaan sa pagiging limitado ang pagkilos nila.”

Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng Martial Law kahit sa labas ng Marawi. “Iyon nga lang simpleng pagbaba mo sa sasakyan lalo na kung sinasakyan mo ay pampubliko, makikita mong nagpa-pile up na ang bilang ng mga sasakyan. Bukod pa ito sa bilang ng mga taong magpi-prisenta ng ID.” Mahaba ang oras ng inspeksyon at beripikasyon na kailangang pagtiyagaan ng mga dumadaang sibilyan, ayon kay Pariñas.

Inulat nina Jo Florendo Lontoc, Felix Pariñas, at Rep. France Castro ang kalagayan at panawagan ng mga bakwit sa mga karatig-bayan ng Marawi. Larawan ni A. Villahermosa

Kuwento ni Lontoc, “Bago makarating ang mga residente sa ospital na matatagpuan sa susunod na bayan ng Marawi, pitong checkpoints muna ang dadaanan nila.” Mayroong mga checkpoint ang bawat munisipalidad na humihingi ng government identification sa bawat dumadaan.

Ang isang problema rito, marami sa mga residente ang walang identipikasyong mai-prisenta sa mga militar.” Dahil dito, may mga insidente kunsaan hindi na lamang tutuloy ang mga sibilyan sa ospital dahil sa takot na makulong at mahuli ng militar.

Ganito rin ang naramdaman ng mga miyembro ng delegasyon ng NHIM dahil hindi sila pinahintulutan ng AFP na makapasok sa komunidad ng Marawi para makapanayam mismo ang mga residente, kahit na mayroon nang pahintulot ang delegasyon mula sa local government units (LGU) sa lugar.

Sa ulat ng NHIM, mahigit 300 kaso ng pagbabanta, harassment at intimidasyon mula sa militar ang naranasan ng mga residente sa Marawi, Maguindanao, Davao del Sur at North Cotabato.  “Pinapasinungalingan nito ang pahayag ni AFP spokesperson Restituto Padilla na walang human rights violations na binunga ang Martial Law,” sinabi ni Jerome Aba, isa sa mga convenor ng Kalinaw Mindanao.

Sa dokumentasyon ng NHIM, inilahad ng Kalinaw Mindanao na mayroong natalang 325,294 internally displaced persons o IDP mula nang ideklara ang Martial Law at nagsagawa ng sunud-sunod na aerial strikes ang AFP. Kalakahan ng bilang na ito ay mga bakwit mula sa home-based at evacuation-center based centers sa Lanao del Sur, at sa Maguindanao at Davao del Sur. Sa bilang na ito, mahigit 65,000 pamilya ang nagmula sa Marawi.

Bukod sa military harassment at sapilitang paglikas dahil sa pambobomba, ilan pang naitalang kaso ng paglabag sa karapatan ang pagkamatay ng mga sibilyan, pagkawasak ng mga kabahayan at ari-arian, at pagsunog sa mga bahay at gamit.

Marami ring ulat ng pagnakaw ng mga gamit sa iniwang bahay, ayon sa mga bakwit. Sa Marawi, nakita ng mga residente ang kanilang personal na ari-arian gaya ng motorsiklo, kama, refrigerator at iba pa sa mga military truck. Nawawala rin ang pera at alahas pagkatapos diumano pasukin ang kanilang mga tahanan, ayon sa mga bakwit. Halimbawa, umalis ng bahay ang bakwit na si Tamil at ang kaniyang pamilya noong Mayo 24 pero bumalik siya nang may nakitang mga unipormadong armadong lalaki malapit sa kanilang bahay. Doon niya nakitang wala na ang motorskilo at ilang gamit nila sa bahay.

Kalagayan ng mga bakwit

Ayon kay Fr. Christopher Ablon ng Kalinaw Mindanaw, pinuntahan ng NHIM ang evacuation sites na hindi registered o nakatala sa LGU, gayundin ang mga home-based bakwit o ang mga nakikipanuluyan sa bahay ng kamag-anak o kaibigan. Sinadya ng mga delegado na puntiryahin ang mga di-nakatalang evacuation sites dahil napag-alaman nilang nakatutok lamang sa mga rehistradong bakwit ang relief missions at serbisyo ng gobyerno.

Kaya naman tinuturing na “humanitarian crisis” ang kalagayan ng mga home-based na bakwit dahil hindi natutugunan ang mga pangangailangan nila, ayon kay Fr. Ablon. Tago rin ang kanilang totoong bilang at sitwasyon.

Sari-saring mga sakit sa evacuation centers ang naitala ng NHIM gaya ng tuberculosis, gastroenteritis, ulcer, pneumonia, at iba pa. Pero nakakabahala rin umano ang mental health ng mga bakwit. Sa mga nabigyan nila ng psychosocial intervention sa Lanao del Sur at Mamasapano, Maguindanao, nagpakita ang mga bakwit ng post-traumatic stress at anxiety na kapansin-pansin laluna sa mga bata na nagpahayag ng takot sa mga nakita nilang diumano armadong kalalakihan na tinawag nilang “ISIS”. Ganito rin ang takot nila sa mga sundalo ng AFP, ayon sa ulat ng NHIM. Nasaksihan din ng mga bakwit ang paglipad ng mga helicopter at pagbagsak ng mga bomba sa kanilang baryo.

Nagpapatuloy ang nararamdamang takot ng mga bakwit laluna’t malapit lang ang evacuation center sa Marawi kunsaan naririnig pa rin ng mga residente ang putukan at pambobomba.

Kahilingang tulong

Bukod sa paghinto sa mga pambobomba ng AFP sa mga baryo, panawagan din ng mga bakwit ang pagtugon sa kakulangan sa sanitasyon, kuryente at tubig sa evacuation sites. Isang kalagayan na napansin ni Lontoc ay ang pagsisiksikan ng 400 na pamilyang hindi rehistrado sa tatlong-palapag na gusali ng Toril sa Barangay Baraas, Iligan City. Walang kuryente sa gusali at tanging isang public faucet lang ang pinagkukunan ng tubig na pinipilahan ng mga bakwit.

Samantala, ang pinanggagalingan naman ng mga pagkain at tubig ng mga bakwit ay mula sa mga donasyon ng mga organisasyong sibiko. “Ang mga home-based na bakwit ang nakakalimutang padalhan ng opisyal na relief at ang kalimitan ay donation-based ang kanilang natatanggap,” diin ni Pariñas. “Nagpahayag po sila ng pakikusap na kung pwede ay huwag nang idaan sa lokal na gobyerno ang ipapadala sa kanila, at idirekta na sa nasalantang mga bakwit ng Marawi.”

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga miyembro ng delegasyon sa sitwasyon ng mga bakwit sa mga binisita nilang evacuation sites sa Mindanao. Ang masaklap pa, anila, ay ang kawalan ng katiyakan kung kailan makakabalik at kung may babalikan pa ang mga bakwit na tahanan.

Ayon sa delegasyon ng NHIM, suportado nila ang kahilingan ng mga bakwit na bigyan ng kagyat na tulong ang mga apektadong pamilya, gayundin ang pagtigil sa aerial bombings at mga operasyong militar na sibilyan ang pangunahing nadadamay. Pinakagyat, anila, ang pagbabawi ni Pangulong Duterte sa deklarasyon niya ng Martial Law na nagdudulot ng kabi-kabilang paglabag sa karapatan ng ordinaryong sibilyan sa Mindanao.

Karagdagang ulat ni Bastin Adrias

More in News

Paving the way for an alternative newscast

Altermidya.NetNovember 15, 2017

Humanitarian missions in Batangas attempt to probe ‘Marawi-style’ military operations

Southern Tagalog ExposureOctober 1, 2017

Itaas ang buying price ng tabako, panawagan ng mga magsasaka ng Ilocos

Altermidya.NetSeptember 8, 2017

Higit 3,000 Moro, Lumad at pambansang minorya patungong Maynila para sa #Lakbayan2017

Bastin AdriasAugust 29, 2017

Sorsogon rights workers: July 28 ‘encounter’ was a massacre

Altermidya.NetAugust 6, 2017

Students, teachers hail passage of free tuition law

Altermidya.NetAugust 4, 2017

Students enraged at retraction of free tuition policy in SUCs 

Altermidya.NetAugust 3, 2017

Fisher folk leader shot dead in Guihulngan City

Altermidya.NetJuly 26, 2017

Women’s groups call for peace amid rising militarism in PH

Altermidya.NetJuly 17, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network