Features

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

#SONA2017 | Top 10 Accomplishment ng Taumbayan

“Change is coming.” Ito ang binida na slogan ni Pang. Rodrigo Duterte noong panahon pa lamang ng eleksiyon. Ngunit sa kasaysayan, ang mga pagbabagong nakabubuti sa mga mamamayan ay hindi kusang ibinigay ng mga nasa kapangyarihan, kundi iginiit at ipinaglaban. Sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, balikan natin kung ano naman ang mga accomplishment ng taumbayan na kumilos para sa pagbabago–sa kanilang sitwasyon, o sa polisiya ng gobyerno–sa unang taon ng administrasyon.

Narito ang Top 10:

Occupy Pabahay. Larawan mula sa Kadamay FB page.

  1. Occupy Pabahay

Inokupa ng mahigit 6,000 na miyembro ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) ang tiwangwang na housing projects sa Bulacan dahil sa kawalang aksiyon ng gobyerno sa pagbibigay ng pabahay sa maralita. Katwiran ng mga maralita, mahigit limang taon nang walang nakatira sa mga pabahay na ito, at kahit ilang beses nang nakikipag-usap ang Kadamay sa National Housing Authority (NHA) para mapamahagian sila ng pabahay, lagi lang silang sinasabihan na mag-hintay. Galing sa iba’t ibang dinemolis na komunidad at walang masisilungan, nakita nila na walang ibang kailangan gawin kung hindi sama-samang okupahin ang mga nakatiwangwang na bahay na ito. Noong una, nagkaroon ng banta ng puwersahang pagpapaalis sa mga miyembro ng Kadamay. Ngunit inihayag din ni Pangulong Duterte na ipamahagi na lamang ang pabahay. Halos wala rin kasing pulis at sundalo ang kumukuha ng mga ito, dahil malayo sa siyudad at substandard ang pagkakagawa.

Sa hanay ng mga maralita, naging huwaran ang pagkilos na ito para sa pagigiit sa ang kanilang karapatan sa libre at de-kalidad na pabahay para sa mahihirap.

  1. Bungkalan ng mga magsasaka

Sa mahabang panahon, tinitiis ng mga magsasaka ang kawalan ng sariling lupa sa gitna ng bigong programa sa repormang agraryo ng gobyerno. Kaya nitong nakaraang taon, marami sa kanila ang nagpasya na sama-samang bawiin ang malalaking lupain, sa pamamagitan ng pag-o-okupa at pagbubungkal nito. Marami sa kanila, mga agrarian reform beneficiaries ngunit hindi makapuwesto sa lupa dahil sa pagmamaniobra ng mga panginoong maylupa at kompanyang agri-business.

Matingkad na halimbawa ang pagbawi sa lupa ng mga magsasaka ng Mandaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc (MARBAI) mula sa Lapanday Foods Corporation sa Tagum City. Ilang beses nang pinaputukan ng mga security guard ng Lapanday ang mga magsasakang benepisyaryo. Malaking tulong ang aktibong pagsuporta ni Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano, at ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa mga magsasaka (na nagkampo sa Mendiola, sa halip na magpatalo). Pero sa huli, ang paglusob ng mga magsasaka sa barikada ng Lapanday ang naging susi para makapasok sa mahigit 100 ektaryang lupain.

Sa iba’t ibang lugar sa Gitnang Luzon, Timog Katagalugan, Bicol, Negros, at Mindanao, nagaganap rin ang aktwal na pagtatangka ng mga magsasaka na “buwagin” ang malalawak na asyenda. Dahil dito, maraming lider-magsasaka ang pinatay ng pinaghihinalaang goons at sundalo, gaya ni Alexander Ceballos ng Negros Occidental. May hangganan din ang mga okupasyon kapag nagpamalas na ng kapangyarihan ang estado–sa tangkang pagbawi sa lupa sa Hacienda Luisita na hawak ng RCBC, halimbawa, napigilan sila ng daan-daang pulisya. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang maraming bungkalan.

  1. Pagtutulungan sa Marawi City

Sa gitna ng karumal-dumal na teroristang atake ng grupong Maute at Abu Sayyaf at pambobombang militar sa Marawi City, lumabas din naman ang mga istorya ng pagtutulungan ng mga Moro at Kristiyano para mailigtas ang isa’t isa mula sa peligro. Maging ang mga sibilyan ay naging aktibo sa rescue efforts, at maraming nagbukas ng pinto para sa mga bakwit. Patunay ang pagtutulungan ng mga mamamayan sa Marawi City at kalapit na mga lugar na walang puwang dito ang paglawak pa ng impluwensiya ng teroristang mga grupo.

Kumilos din ang maraming Pilipino para mag-abot ng tulong sa daan-daang libong Moro na nagbakwit, kahit na sa maraming pagkakataon ay hindi naging madali ang pagpasok ng relief goods dahil sa paghihigpit ng militar. Nariyan ang mga mobile kitchen at alternative schools para sa mga kabataan.

Pagtulong ng aktres na si Angel Locsin sa mga bakwit mula Marawi City. Larawan ng The Breakaway Media.

Gayundin, inorganisa ng mga Morong biktima ng giyera ang kanilang mga sarili; halimbawa, itinayo kamakailan ang organisasyong Tindeg Ranao. Nais nilang magkaroon sila ng mas malakas na boses sa pagresolba sa krisis at muling pagbangon sa Marawi City. Sa nakaraang dalawang buwan kasi, hindi halos napakinggan ang boses ng mga Maranao, partikular ang kanilang mga hiling na itigil ang air strikes, ilegal na paghalughog sa kanilang mga kabahayan, at ang martial law.

  1. Pagtutol sa batas militar

Nagsimula bilang “voices in the wilderness” ang mga tumututol sa batas militar sa Mindanao bilang solusyon sa krisis sa Marawi City. Ngunit makaraan ang dalawang buwan ng implementasyon nito, lumalakas na ang panawagan—lalo na ng mga Moro, Lumad, at iba pang mamamayan at lider ng Mindanao—na itigil ito, dahil sa ibinunga nitong mga paglabag sa karapatang pantao sa loob at labas ng Marawi City.

Isiniwalat kamakailan ni Samira Gutoc-Tomawis sa Kongreso ang mga pang-aabusong militar na dinanas ng mga sibilyang Moro na pinaghihinalaang terorista. Tinatayang marami pang kaso ang hindi naitatala, dahil kontrolado ng militar ang erya at takot magsalita ang mga biktima. Ayon naman sa Karapatan, nasa mahigit 300 na ang ilegal na inaresto at 10 lider-magsasaka, karamihan Lumad, ang pinatay sa iba’t ibang lugar sa Mindanao simula nang ideklara ang martial law. Binomba rin ang maraming komunidad sa Maguindanao at Davao del Sur. Laganap ang hamletting (pagpigil sa paglabas-masok sa komunidad) at pangha-harass sa mga magsasaka sa buong Mindanao.

Pagbakwit ng mga Lumad sa Lianga, Surigao del Sur dahil sa martial law. Larawan ng ALCADEV.

Tinataguyod ng mga tumututol sa batas militar ang paninindigang dapat respetuhin ang mga karapatang sibil at pantao—isang paninindigang para sa kabutihan ng lahat. Positibo rin na may nagbabantay sa mga paglabag sa karapatang pantao at tumutulong sa mga biktima, na kalakhan ay mahihirap na Moro at Lumad sa malalayong baryo na bulnerable sa abuso at walang akses sa midya.

Kabilang na rin ngayon sa mga tumututol sa martial law ang mga kabataang Lumad na naipasara ang mga eskuwelahan dahil sa muling pag-atake ng militar. Dinedepensahan nila ang kanilang karapatang makapag-aral at makapamuhay nang mapayapa.

  1. Suporta sa progresibong gabinete

Positibo ang pagtalaga ni Pangulong Duterte sa kanyang gabinete ng mga progresibo na bitbit ang mga signipikanteng pagbabago sa polisiya. Ngunit naging malakas ang reaksiyon laban sa kanila ng malalaking negosyante’t kasapakat nila sa gobyerno. Kaya naman natanggal sa poder si Environment Sec. Gina Lopez matapos i-reject ng Commission on Appointments (CA), habang sina Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano at Welfare Sec. Judy Taguiwalo ay hindi pa rin kinukumpirma ng CA.

Gayunpaman, naramdaman ang suporta ng taumbayan sa maka-mamamayang mga programa nina Lopez, Mariano, at Taguiwalo. #ConfirmGina, #ConfirmJudy, #ConfirmPaeng ang naging sagot nila sa CA. Kahit natanggal na sa puwesto, naisiwalat ni Lopez ang grabeng pinsala na dulot ng pagmimina. Nabuhay ang debate hinggil sa pagmimina, gayundin ang mga sentimiyento at kilusang kontra-pagmimina—na siyang magpapatuloy ng laban sa malalaking minahan na bigong ipasara ni Lopez.

DAR Sec. Rafael Mariano sa instalasyon ng mga magsasaka ng MARBAI sa Tagum City. Larawan ng The Breakaway Media.

Samantala, hindi rin nagtagumpay ang panggigipit kay Taguiwalo—na isiniwalat ang pagpupumilit ng mga kongresista na ibalik ang sistemang pork barrel—dahil sa suportang publiko. Naisusulong naman ni Mariano ang adbokasiya para sa libreng pamamahagi sa lupa, at naipapatupad ang ilang desisyong pabor sa mga benepisyaryo, sa tulong ng mga magsasaka at mga empleyado ng Dept. of Agrarian Reform

  1. Hustisya at tulong sa mga biktima ng drug killings

Hindi masasabing tinatanggap na lamang ng mga Pilipino ang ekstra-hudisyal na pagpaslang sa pinaghihinalaang mga drug user at pusher, ngayo’y tinatayang mahigit 10,000 na ang bilang. Ang totoo, maraming nagmamalasakit para sa mga biktima—mahihirap na tinaguriang mga “latak ng lipunan” at tinratong parang hayop ng pulisya at mga grupong vigilante. Mga estudyante, propesyunal, taong simbahan ang nangunguna sa pagkondena sa mga pagpaslang at paghihingi ng hustisya. Higit pa dito, nagbibigay ang iba’t ibang grupo—gaya ng Rise Up, Stop The Killings—ng suportang moral at legal sa mga naiwang pamilya, at rehabilitasyon sa mga lulong sa droga. Mayroon ding mga pangkulturang inisyatiba, gaya ng RESBAK, na gumagawa at nagpapalabas ng mga obrang sining para ipaunawa sa publiko na dapat nirerespeto ang karapatan ng lahat ng tao—kahit ng mga gumagamit ng droga.

Nakatulong ang pagkondena sa panandaliang pagsupinde sa Oplan Tokhang at bahagyang paghupa sa mga pamamaslang bunsod nito. Ngunit siyempre, agad rin itong ibinalik, dahilan kung bakit kailangang tuluy-tuloy ang presyur sa pulisya—at sa pangulo—na daanin sa tamang proseso ang giyera kontra droga.

  1. Suporta sa usapang pangkapayapaan

Todo ang suporta ng iba’t ibang sektor ng lipunan pagsulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Layon nitong resolbahin ang mga ugat ng deka-dekadang giyerang sibil, sa pamamagitan ng mga repormang matagal nang inaasam ng taumbayan. Kaya naman nagkaroon ng iba’t ibang mga inisyatiba para hikayatin ang dalawang panig na patuloy na mag-usap, sa kabila ng maraming balakid. Sa isang sarbey ng Social Weather Stations, lumalabas na 80 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor sa usapang pangkapayapaan.

Sa partikular, malakas ang suporta sa pagkakaroon ng kasunduan sa mga repormang sosyo-ekonomiko—tinataguriang pinaka-laman ng usapan—na siyang lulutas sa matagal nang mga problema ng bayan. Ngunit kinansela ng GRP ang ika-limang round ng peace talks, kung kailan matatalakay na sana ang CASER o ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms, at napagkasunduan na ang libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka. Patuloy na ninanais ng marami na matuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan—na mukhang mangyayari lamang kung magiging interesado ang GRP sa mga repormang panlipunan, at hindi lang sa ceasefire o pagsuko ng mga rebolusyonaryong grupo.

  1. #MarcosNoHero

Bago pa man maupo si Pangulong Duterte, naging malinaw na mayroon siyang pagtatangi sa pamilya Marcos—kaya hindi na nagulat ang taumbayan nang ipinag-utos niya ang paglibing ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng Mga Bayani. Pero malinaw din na hindi limot ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan, ang kasaysayan—libu-libo ang agad na kumondena sa “patraydor” na paglibing, at tumampok ang #MarcosNoHero. Kaya’t kahit pa nakuha ng pamilya Marcos ang matagal na nilang inaasam na libing, dahil sinalubong ito ng masidhing protesta ay naitatak pa rin sa kasaysayan na hindi bayani ang turing ng mga Pilipino sa dating diktador.

  1. 100,000 na pagkilos noong Mayo Uno

Katangi-tangi na noong tradisyunal na Mayo Uno ng taong ito, nasa mahigit 100,000 ang kumilos sa buong Pilipinas, pagpapakita ng lakas ng mga mamamayang naghahangad ng pagbabago. Nanguna dito ang mga manggagawa para sa dagdag-sahod, P750 national minimum wage, at pagwakas sa kontraktwalisasyon. Nairehistro ng mga manggagawa ang kanilang pagka-dismaya sa Department Order 174, na anila’y lalong nilelegalisa ang kontraktwalisasyon, at pinresyur si Pangulong Duterte na tuparin pa rin ang pangako nitong wakasan ang ENDO.

Ipinakita ng pagkilos noong Mayo Uno na kayang lumabas sa mga pabrika ng mga manggagawang Pilipino para igiit ang para sa kanila, at hindi naghihintay lamang na kusang ibigay ito ng mga kapitalista at gobyerno. Ipinagdiwang din noong araw na iyon ang ika-100 anibersaryo ng 1917 Rebolusyong Oktubre sa Rusya, inspirasyon sa mga manggagawa na sosyalismo pa rin ang magpapalaya sa kanila at iba pang mamamayan ng mundo mula sa pang-aapi.

  1. Estudyante para sa libreng edukasyon

Kilos-protesta ng mga estudyante para sa libreng edukasyon. Larawan ni Micah Magaro/ AlterMidya.

Patuloy na iginiit ng mga estudyante ang karapatan para sa para sa libreng edukasyon, sa gitna ng limitasyon at panlilinlang ng “free tuition policy.” Mainit nilang sinalubong ang P8.3 Bilyon karagdagang badyet para sa State Colleges and Universities—matagal na nilang ipinapanawagan na dapat talagang libre ang edukasyon, at magsisimula ito sa mas malaking badyet para sa SUCs sa 2017. Pero nang malaman ang paghihigpit ng requirements para dito—diumano’y mahihirap na estudyante lamang ang maaaring mag-avail—mabilis din nilang nakita na kapareho ito ng Socialized Tuition Scheme kung saan marami ang nalalaglag sa proseso ng screening at sa huli’y mga mayayaman din lang ang nakakapag-aral.

Kaya naman patuloy silang kumilos para sa libreng edukasyon—sa mga eskuwelahan, at sa paghain sa Kongreso ng Free Education Act na layon gawing ganap at masaklaw ang libreng tuition. Nitong nakaraan, accomplishment ng mga estudyante na tila nakinig sa kanila si University of the Philippines Diliman chancellor Michael Tan, na nagsabing suspendido muna ang koleksiyon ng bayarin mula sa mga estudyante hangga’t hindi nililinaw ng Commission on Higher Education ang polisiya dito.

Click to add a comment

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply

Features

More in Features

PAKI-EXPLAIN: Pagsibak ng CA kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo

Altermidya.NetAugust 16, 2017

Mine workers: Of broken promises to end ENDO

ContributionAugust 11, 2017

Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’

Bastin AdriasAugust 8, 2017

‘Beloved sons’ of Sta Cruz: Thousands flock plaza to honor NPA fighters

Altermidya.NetAugust 7, 2017

#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte

Altermidya.NetJuly 24, 2017

‘Kalabaw lang ang tumatanda’: Pakikibaka ni Ka Paeng sa DAR

Ilang-Ilang QuijanoJuly 21, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘ISIS’ sa Pilipinas? (Part 2)

Altermidya.NetJune 25, 2017

Anong mali sa pakikialam ng tropang US sa Marawi City? Marami.

Micah MagaroJune 22, 2017

Nothing to eat but wani mangoes: Muslims in the barrios under martial law

Ilang-Ilang QuijanoJune 20, 2017

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network