Features

Utos ng DOLE, nasa likod ng ‘pang-aalipin’ ng sakada sa Luisita

Migratory sugar workers, ginagawang mga 'alipin' sa Hacienda Luisita. Larawan ng Pinoy Weekly
Utos ng DOLE, nasa likod ng ‘pang-aalipin’ ng sakada sa Luisita

Nakabubuhay na pasahod; libreng pagkain, inumin at tirahan sa buong pananatili sa asyenda; at mga benepisyo gaya ng SSS, Philhealth at Pag-ibig—ilan lamang ito sa matatamis na pangakong binitiwan sa migratory sugar workers o mga sakada ng Greenhand Labor Service Cooperative, isang labor contracting agency para sa Central Azucarera de Tarlac (CAT) sa Hacienda Luisita.

Ngunit wala ni isa sa mga pangakong ito ang natupad.

Kalagitnaan ng Disyembre nang makarating sa tanggapan ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang pagtakas ng mga sakada mula sa pagmamalabis umano ng Greenhand at CAT, isang sugar mill na pagmamay-ari nina Fernando Cojuangco at Martin Lorenzo.

“’Yung isang sakadang tumakas ay umuwi ng Bukidnon. At mula doon ay naipaabot sa amin ng Organisasyon sa Yanong Obrerong Nagkahiusa sa Bukidnon ang kalunos-lunos na kalagayan ng halos 800 na sakadang nagmula pa sa South Cotabato, Davao at Bukidnon,” ani Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng UMA, sa isang press conference kasama ang mga sakada kamakailan.

P9.46 arawang sahod

Sa Certificate of Jobs Availability na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Oktubre 27, nasa 1,200 trabaho diumano ang nag-aabang para sa mga sakada sa Agrikulto Inc., isang subsidaryo ng CAT. Panahon noon ng kabyaw o taunang anihan ng mga tubo.

Sa aktwal, pumapatak sa P9.46 hanggang P128.31 lamang kada araw ang natanggap na sahod ng bawat sakada. Hindi ito nalalayo sa arawang sahod na P9.50 ng mga manggagawang-bukid na nagwelga at minasaker sa Hacienda Luisita, 12 taon na ang nakararaan. “Biruin mo, sahod-alipin talaga,” ani Ramos.

Mga sakada na tumakas mula sa Hacienda Luisita. Larawan ni Micah Magaro/Altermidya

Ayon kay Atty. Remigio Saladero Jr., abogado ng mga sakada, ang pagpapasahod nang mas mababa sa minimum wage ay “malinaw na paglabag sa Philippine labor laws.” Bukod sa mababang minimum wage rate sa Gitnang Luzon, patung-patong pa umano ang iligal na mga kaltas na ipinapataw ng Greenhand. Nasa P298 hanggang P334 lamang ang minimum wage sa Tarlac.

Dagdag pa ni Saladero, mayroon ding malinaw na paglabag sa batas hinggil sa overtime. Alas-kuwatro pa lamang ng umaga ay babad na sa pagtatrabaho ang mga sakada sa plantasyon, na ang iba ay hinahakot pa mula sa ibang bahagi ng probinsya. Nagtatapos ang kanilang trabaho ng bandang alas-singko ng hapon.

Hindi rin natupad ang pangako ng libreng pagkain. “Mag-iisang linggo nang walang dumarating na pagkain para sa amin. Doon sa pinagtatabasan naming ng tubo, humuhuli kami ng mga palaka para may makain kami. Sa hirap ng buhay, ‘yun ang ginawa namin para may laman ang sikmura namin,” salaysay ni Rosarito Bravo, isa sa mga sakada na mula pa sa Bukidnon.

Kabilang si Bravo sa siyam na nakatakas at nakarating sa DAR noong Enero 4. May naunang grupo ng mga sakada na tumakas at dumating sa ahensiya noong Disyembre 29.

“Tumakas kami gamit ang perang ipapadala sana sa pamilya namin. Isinakripisyo ko ang pera ko para sa mga kasamahan ko para lang makarating dito,” sabi ni Bravo. “Dumating kami ng Cubao bandang alas-dose na ng madaling araw. (Dahil kulang na ang pamasahe namin), nilakad namin mula Farmers (Plaza) hanggang DAR bitbit ang mabibigat naming gamit,”  aniya pa.

Payroll ng mga sakada. Larawan ni Micah Magaro/ Altermidya

Papel ng DO 159

Katuwang ang Pro-Labor Legal Assistance Center, maghahain ng kasong kriminal ang mga sakada laban sa kanilang mga rekruter at employer na Greenhand, CAT at Agrikulto Inc.

Pero ayon sa UMA at Kilusang Mayo Uno, may pananagutan din ang DOLE sa mistulang pang-aalipin sa mga sakada.

Sa Department Order 159 na inilabas ng ahensiya noong Hunyo 22, inilista ng DOLE ang mga patakaran sa pagkuha ng mga migratory sugar workers. Kabilang dito ang paggamit ng mga labor contracting agency.

Nagbibigay ang nasabing kautusan, pinamagatang Guidelines for the Employment of Migratory Sugar Workers, ng Authority to Transport o pagpayag na hakutin ang mga sakada mula sa iba’t ibang probinsya para magtrabaho sa isang asyenda.

Samantala, sa Part III, Section 2 ng DO 159, pinapayagan ang sistemang “pakyawan” o piece rate, pasahod na hindi pirmi o nakabatay lamang sa dami ng natabas na tubo. Mayroon ding probisyon sa Part III, Section 3 na nagsasabing maaring ibawas sa sahod ng mga sakada ang mga kagamitan nila sa pag-aani.

“Sa esensya, pinayapayagan ng kautusang ito ng DOLE ang mga Cojuangco at Lorenzo na gawing alipin ang mga sakada,” sabi ni Ramos.

Katuwang umano ang DO 159 ang DO 168, ang inilulutong bagong kautusan ng DOLE hinggil sa kontraktwalisasyon. Tinututulan ng mga labor group ang nasabing kautusan na umano’y lalong magpapalala sa kontraktwalisasyon.

Kabilang sa mga pangako noong kampanya ni Pang. Rodrigo Duterte ang pagpawi sa kontraktwal na paggawa.

Ulat ni Micah Magaro

 

 

Features

More in Features

Mahal na gamot, imported rice & iba pang epekto ng RCEP

Altermidya.NetMay 11, 2017

‘Libreng edukasyon,’ o nakakamatay pa rin na tuition?

Micah MagaroApril 4, 2017

#OccupyBulacan and the anarchy in housing & urban development

Arnold PadillaMarch 16, 2017

PAKI-EXPLAIN: Terminasyon ng Peace Talks at ‘All-Out War’

Altermidya.NetFebruary 8, 2017

PAKI-EXPLAIN: ‘Free Tuition’

Micah MagaroFebruary 2, 2017

Revolutionary Heartland

Ilang-Ilang QuijanoDecember 31, 2016

Duterte & political prisoners: From amnesty to ‘trump card’

Altermidya.NetDecember 10, 2016

Despite ceasefire, civilians bear brunt of counter-insurgency ops

Altermidya.NetDecember 9, 2016

U.S. Aid: What’s the Catch?

Arnold PadillaOctober 18, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Subscribe to get the latest updates!

Name
Email *

Like us on Facebook!

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network